NAGBUHOS si Joe Harris ng 26 points upang pangunahan ang bumibisitang Brooklyn Nets sa 111-106 panalo laban sa Lakers, na opisyal na sumibak sa Los Angeles sa postseason contention.
Nasundan ng Nets ang kanilang makasaysayang comeback win sa Sacramento at umangat sa 2-3 sa season-high, seven-game road trip na magpapatuloy sa Lunes sa Portland.
Lumapit ang seventh-place Brooklyn (38-36) ng kalahating laro sa sixth-place Detroit Pistons at 2 and a half games ang angat sa eighth-place Miami Heat sa Eastern Conference.
Nalasap ng Lakers ang ika-5 sunod na talo upang bumagsak sa 2-12 sa kanilang huling 14 games at hindi makapaglalaro sa playoffs sa ika-6 na sunod na season. Sa unang pagkakataon ay hindi sasabak si LeBron James sa postseason magmula noong kanyang second season sa Cleveland Cavaliers noong 2004-05.
Nagdagdag si D’Angelo Russell ng Brooklyn ng 21 points at 13 assists laban sa kanyang dating koponan.
JAZZ 114, BULLS 83
Kumamada si Rudy Gobert ng double-double na 21 points at 14 rebounds at anim na teammates niya ang nagtala rin ng double figures upang pataubin ang Chicago Bulls noong Sabado ng gabi.
Kumarera ang Utah sa 33-18 kalamangan matapos ang isang quarter, at ang 70-36 halftime lead nito ang pinakamalaki sa road sa half sa kasaysayan ng franchise, na nagsimulang mag-laro sa 1974-75 season sa New Orleans.
Nagdagag si Donovan Mitchell ng 16 points para sa Jazz, habang nag-ambag sina Joe Ingles at Derrick Favors ng tig-13, Ricky Rubio ng 12, Jae Crowder ng 11 at Raul Neto ng 10 points.
HAWKS 129, 76ERS 127
Tumirada si rookie point guard Trae Young ng 32 points, kabilang ang game-winner may 1/10 ng isang segundo ang nalalabi, upang pangunahan ang Atlanta Hawks sa panalo kontra bumibisitang Philadelphia 76ers.
Naitabla ng Hawks ang talaan sa 127-127 sa layup ni Taurean Prince, may 27.5 segundo ang nalalabi, pagkatapos ay naisalpak ang final shot nang tawagan ang Philadelphia ng 24-second violation.
Ito ang ikalawang sunod na panalo laban sa isang playoff team para sa Atlanta, na ginapi ang Utah noong Huwebes, at pinutol ang six-game winning streak ng Philadelphia.
Tumapos si Young na 11-for-20 mula sa floor, kabilang ang 4-for-9 sa 3-pointers, at nagbigay ng 11 assists para sa kanyang ika-26 na double-double.
Sa iba pang laro ay pinadapa ng Miami Heat ang Washington Wizards, 113-108; at sinilat ng Charlotte Hornets ang Boston Celtics, 124-117.
Comments are closed.