CAMANAVA PINAGHANDAAN ANG BAGYONG ROLLY

BAGYONG ROLLY

NAGSAGAWA na ng paghahanda ang mga pamahalaang lungsod sa Caloocan-Malabon-Navotas-Valenzuela (CAMANAVA) area para sa inaasahang pananalasa ng Bagyong Rolly kaugnay ng pagtataas ng Typhoon Signal No. 4 sa Kalakhang Maynila.

Sa Valenzuela City ay handa na ang mga evacuation center at naroon na ang mga social worker.

Nakaposisyon na rin ang water rescue assets sa Tullahan Bridge sa MacArthur Highway, Marulas at itinayo na rin ang mga modular tents sa Valenzuela National High School.

Sa lungsod naman ng Navotas, handa ang mga Bombastik Pumping Stations sakaling lumakas ang ulan sa pagdating ng Bagyong Rolly gayundin ang relief packs sakaling may kailanganing lumikas na  Navoteño lalo na ang mga nakatira malapit sa dagat o ilog.

Sa Caloocan, ipinag-utos na sa mga punong barangay ng Lungsod na magsagawa ng pre-emptive response at tiyakin na nakahanda na ang ilang mga barangay hall, covered court at mga eskuwelahan na gagawing evacuation centers gayundin ang mga rescue team at rescue equipment.

Kasabay nito, naglabas ng kautusan ang Office of the City Building Official hinggil sa pansamantalang pagpapatigil sa lahat ng uri ng kons­truksyon na isinasagawa sa lungsod, pansamantalang pagbaba o pagtanggal ng mga billboard, tarpaulin, at iba pang bagay maaaring mag-ing sanhi ng aksidente o pinsala sa ari-arian.

Samantala sa Malabon City,  nagsagawa ng Pre-Disaster Risk Assessment via Zoom ang Malabon Disaster Risk Reduction and Ma­nagement Office (MDRRMO) kasama ang 21 Barangay Disaster Risk Reduction (DRR)  focal persons upang paghandaan ang pagdating ng Bagyong Rolly. EVELYN GARCIA

Comments are closed.