HINDI na itinago pa ni Camille Prats ang kanyang nararamdaman sa media presentation ng bago niyang morning show sa GMA-7, ang “Mars Pa More.”
Originally ay nasa GMA News TV ito, ang “Mars” kung saan ay kasama ni Camille Prats si Suzi Entrata-Abrera bilang co-host. Ngayon nga ay lilipat na ito sa bagong tahanan at sa umaga na simula sa Hulyo 8, 8:50AM to 9:20AM. Magkahalong saya at lungkot ang naramdaman ni Camille nang malaman na lilipat na sila ng tahanan. Masaya dahil mas magiging malawak ang mga manonood dito, pero mag-iiba naman ang kanyang magiging co-host, ang bagong Mars ni Camille ay si Iya Villania.
Hindi biro ang pinagsamahan nina Camille at Suzi. Nagsimula ang “Mars” na sila ang magkasama, 7 taon na rin naman ang nakalilipas. Ani Camille, naging malaking tulong para sa kanila ni Suzi na halos buwan din ang inabot nang sinabihan sila na lilipat na sa Kapuso Network ang show nila.
At nang araw na rin na ‘yun ay may ideya na si Suzi na malamang hindi na nga siya ang magiging ‘mars’ ni Camille dahil may morning show na siya sa GMA-7, ang “Unang Hirit” at hindi sang-ayon ang pamunuan ng Kapuso Network na magkaroon ng 2 shows at the same block ang kanilang talents.
Sabi naman ni Camille, parang mapapanood din nila na sabay na nagho-host siya at si Suzi dahil ilang minuto lang naman ang pagitan ng kanil-ang mga show. Ika nga win-win situation para kina Camille at Suzi.
DEREK RAMSAY NGANGA SA ACTING NI JACLYN JOSE
FIRST time para kay Derek Ramsay na makasama sa isang teleserye ang magaling at internationally-acclaimed actress na si Jaclyn Jose, sa “The Better Woman” sa GMA-7. Say ng actor, nganga raw siya sa galing umarte ni Jaclyn, pinapanood daw niya ang actress sa mga ginagawa nitong eksena sa naturang teleserye at bilib na bilib itong si Derek sa veteran actress dahil kahit anong liit o laki ng isang eksena ay kering-keri daw gawin ni Jaclyn at hindi raw naapektuhan ang angking galing ni Jaclyn kahit pa ilang minuto lang ang eksena nito.
Sa panonood niya sa acting ni Jaclyn ay unti-unti raw mas nadaragdagan ang kaalaman ni Derek sa pag-arte kung kaya nang dumating daw ang time na magkaka-eksena na sila ng hinahangaan actress, kahit daw naging intimidating ito sa side ng actor, kahit paano unti-unti siyang sumasabay sa acting ng magaling na actress.
Samantala, kung nasa learning process si Derek sa acting ni Jaclyn, ang kanyang leading lady naman na si Andrea Torres ay at home na sa batuhan nila ng linya kay Jaclyn. Pangatlong beses na kasi silang nagsama, una na sa “The Millionaire’s Wife” at sa “Alyas Robinhood”.
Comments are closed.