CAMPAIGN PINAIIWAS SA MASISIKIP NA LUGAR

masikip na lugar

HINIKAYAT ng pamunuan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga kandidato para sa midterm elections na iwasang magdaos ng mga campaign rally at motorcades sa mga masisikip na lugar sa Metro Manila upang hindi na makadagdag pa sa masikip na daloy ng trapiko.

Ayon kay Comelec Spokesman James Jime­nez, dapat na isaalang-alang ng mga kandidato ang kapakanan ng publiko sa panahon ng pangangampanya.

Aniya, mas makabubuti  kung huwag harangan ng mga kandidato ang mga makikipot na daanan at iwasang maging abala sa kalsada.

Paalala ni Jimenez, maraming lansangan sa Metro Manila ang masisikip, at halos isang lane na lamang ang nadaraanan dahil may mga nakaparada pang mga sasakyan.

Aminado si Jimenez na hurisdik­siyon ng mga lokal na pamahalaan o traffic bureau ang mga kalsada sa kani-kanilang nasasakupan ngunit umaasa  siyang ikokonsidera ng mga kandidato ang apela ng poll body.

Kasalukuyang nagpapatuloy ang kampanya para sa papalapit na May 13 National and Local Elections.

Ang campaign period para sa national elections ay sinimulan noong Pebrero 12 habang Marso 29 naman nang umarangkada ang panahon ng pangangampanya para sa local elections.

Kapwa naman magtatapos sa pa­ngangampanya ang mga ito sa Mayo 11, 2019, o dalawang araw bago ang election day. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.