CARDINAL TAGLE NANGUNA SA UNANG ARAW NG SIMBANG GABI

Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle

PINANGUNAHAN  ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, incoming Prefect of Propaganda Fide, ang pagdiriwang ng unang araw ng Simbang Gabi kahapon.

Sa kanyang homiliya sa Misa de Gallo na idinaos sa Manila Cathedral, inalala ni Tagle ang mga biktima ng lindol na tumama sa Davao del Sur.

Ayon kay Tagle, agad siyang nagpaabot ng personal na mensahe sa mga Obispo ng mga diyosesis na naapektuhan ng 6.9-magnitude na lindol sa Mindanao kamakalawa kung saan ang pinaka-sentro ay ang Diocese ng Digos.

Ibinahagi rin ni Tagle ang pahayag sa kanya ni Digos Bishop Guillermo Afable na isang pari ng Diyosesis ang nasugatan sa lindol bukod pa sa maraming ari-arian ang nasira.

Anang Cardinal, sa kabila ng  trahedya ay tiniyak ni Afable sa kanya ang patuloy na paggunita at pagsasagawa ng Simbang Gabi at Misa De Gallo sa diyosesis bilang pagpapahayag ng patuloy na pananampalataya sa Panginoon.

“Alalahanin po natin ang mga kapatid natin lalo na sa Mindanao na kahapon ay dumanas na naman ng lindol at mas malakas kaysa sa mga nauna pa, ako po ay nagpadala ng mensahe sa mga Obispo doon sa bahagi ng Cotabato, Davao, Davao Del Sur ang pinakanaapektuhan ay ‘yung nasasakupan ng Diyosesis ng Digos at sabi nu’ng Obispo (Digos Bishop Guillermo Afable) kagabi meron pang isang Pari na sugatan dahil inabutan ng lindol habang bumibisita siya sa isang malayong lugar pero sabi nu’ng Obispo (Digos Bishop Guillermo Afable), Chito Simbang Gabi na bukas at ipapamalas ng samba­yanan na kahit na lindol may pananam­palataya…” bahagi ng homiliya ni Cardinal Tagle.

Ayon kay Tagle, ito ang tunay na diwa ng Simbang Gabi na maipahayag ang pananampalataya at paniniwala sa biyaya at kaloob ng Panginoon sa sanlibutan sa pamamagitan ng pagtutok kay Hesus na tagapaghatid ng kapayapaan at nagligtas sa sangkatauhan mula sa kasalanan.

“At ‘yun po ang diwa ng Simbang Gabi ‘pananampa­lataya’ nananalig tayo at nani­niwala na mayroong dadating na Hesus,” aniya pa.

Hinimok din ng Kardinal ang bawat isa na alalahanin at makiisa sa lahat ng mga nasa­lanta ng iba’t ibang kalamidad na patuloy na nagpapahayag ng kanilang pananampalataya sa Panginoon sa pamamagitan ng pagdiriwang ng Misa de Gallo at Simbang Gabi sa kabila ng pangamba at takot na dulot ng kalamidad. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.