KULUNGAN ang bagsak ng isang 68-anyos na caregiver matapos makuhanan sa closed-circuit television (CCTV) camera ang ginagawang pananakit nito sa inaalagaang 91-anyos na lola sa Valenzuela City.
Nahaharap sa kasong slight physical injuries base sa Valenzuela City Ordinance na “Protection of Elderly Against Abuse” ang suspek na si Alicia Cervantes, 68-anyos ng Meycauayan City, Bulacan.
Ayon sa anak ng biktima na si Rodolfo ng Valenzuela City, nakatanggap siya ng tawag mula sa kanyang kapatid na si Jean na nagta-trabaho sa ibang bansa, at sinabi nito na nakita sa CCTV footage na sinasaktan ng suspek ang kanilang ina.
Ang naturang CCTV ay nakakabit sa bahay ng biktima sa Barangay Veinte Reales, Valenzuela City, at konektado sa cellphone ni Jean.
Nang suriin ni Rodolfo ang CCTV recordings, lumitaw na bumagsak ang kanyang ina sa sahig nang hilahin ng suspek ang inuupuan nito kaya humingi sila ng tulong sa pulisya na nagresulta sa pagkakaaresto kay Cervantes.
Nagtamo ng minor injuries ang biktima sa balikat at magkabilang braso. VICK TANES