SORSOGON- INIIMBESTIGAHAN ngayon ng Philippine Coast Guard (PCG) kung lumikha ng oil slick ang sumadsad na cargo vessel sa mababaw na bahagi ng dagat sa Barangay Luneta, Barcelona sa lalawigang ito.
Sa ulat ng PCG Station Sorsogon, nananatili ang domestic cargo vessel na LCT REGENT 101 sa mababaw na karagatan ng Sitio Boracay sa Barangay Luneta matapos na sumadsad bunsod ng malaking alon at malakas na hangin.
Ayon sa PCG, sinaklolohan ng kanilang Sorsogon station cargo vessel na sumadsad sa malapit na sa dalampasigan.
Sinasabing wala namang nasaktan sa mga sakay ng nasabing barko pero patuloy ang imbestigasyon ng PCG para malaman kung may nangyaring pagtagas ng langis at pagkasira ng mga lamang dagat.
Maging ang loob ng cargo vessel ay isa-isa rin sinuri ng PCG para masigurong wala itong sira at maiplano na rin kung paano ito mahahatak pabalik sa malalim na bahagi ng dagat.
Pag-aari ng Southern Regent Shipping Inc. ang nasabing vessel kung saan nagmula ito sa Lazi, Siquijor at patungo ng Lidong, Albay. VERLIN RUIZ