CASH AID PINAMUDMOD SA TRICYCLE DRIVERS

Tricycle

SAMA-SAMANG nagpasalamat ang transport group kay Pasig Mayor Vico Sotto at miyembro ng Konseho  sa pagbibigay nito ng P4,000 tulong sa mga tricycle drivers na naapektuhan ng ipinatutupad na enhanced community quarantine sa lungsod.

Naunang sinabi ni Sotto na bibigyan ng P3,000 tulong ang mga public utility drivers na naapektuhan ng ECQ upang pigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Pinangunahan ni Vice Mayor Iyo Caruncho Bernardo ang isang special session, Lunes, inaprubahan  ng council ang isang resolusyon na magbibigay ng tulong pinansiyal para sa transport sector.

“Kung kukuwentahin mo nga naman, lumalabas mahigit P107 lamang bawat araw ang matatanggap nila. At pagkatapos na ianunsyo ang tatlong libo, maraming mga drivers ang nagsabi sa amin na baka gawin na lang apat na libo. Kaya pinakinggan namin sila at makatuwiran din naman,” saad ni Bernardo.

“Nananawagan tayo sa iba pang sektor ng maghintay lamang kayo at may binubuo na rin kaming financial aide para sa inyo. Iniisa-isa lang po natin para maging maayos ang lahat,” dagdag pa ni Iyo.

Kahapon ay ipinamahagi ng Tricycle Operation and Regulatory Office (TORO) ng Pasig City ang tulong sa pamamagitan ng organisadong listahan at oras ng pagkuha nito.

Tinantiya naman ni Volta delos Santos, hepe ng TORO na ipamamahagi nila ito sa 2,000 drayber araw-araw sa sampung terminal kaya 25 drayber lamang ang pupunta bawat oras.

Nilinaw din ni Delos Santos na tanging ang mga may prangkisa lamang ang kanilang mabibigyan at food pack naman para sa mga miyembro ng TODA na kolorum.

“Kami ang pupunta sa mga TODA pilahan ninyo ngunit huwag na pong pumunta ang mga senior citizen at PWD na drayber dahil prone kayo na mahawaan. Kailangan lang po ninyong magpadala ng authorization letter at photo copy ng inyong senior at PWD ID,” paalala ni Volta.

Nabatid na kalakip sa isa pang resolusyon ay ang P4,000 na financial aid para rin sa mga stall owner sa second at third floor ng Mega Market ngunit lehitimong taga-Pasig lamang. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.