PINANGUNAHAN nina Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo ang distribusyon ng ayudang cash sa pamilyang biktima ng sunog na tumupok sa mga kabahayan sa Sta. Cruz, Manila.
Inasistehan si Lacuna at Servo nina department of social welfare head Re Fugoso, third district Congressman Joel Chua at Councilors Fa Fugoso and Maile Atienza.
Ayon kay Lacuna, ang lahat ng mga apektado ng sunog ay binigyan ng P10,000 bawat isang pamilya upang makatulong sa pagbili ng mga pangunahing kailangang materyal sa pagtatayo ng kanilang bagong bahay.
Sinabi ni Fugoso na siya ay tinalaga ng alkalde na magbigay ng kinakailangang tulong sa mga biktima ng sunog sa Barangay 311.
Sa ginawang distribusyon ng cash assistance nitong Sabado, pinasalamatan ni Fugoso ang mga opisyal ng Barangay sa lugar sa pangunguna ni Chairman Randy Guillero sa pagtulong sa pamahalaang lungsod na kilalanin ang pamilya na biktima ng sunog at sa pagbibigay nito ng update sa kanilang kalagayan.
Samantala, pinasalamatan din ng alkalde ang FUGOSO Firefighters na naiulat na dalawang beses na bumalik upang mapatay ang sunog.
Bukod sa ayudang cash, inatasan din ni Lacuna na mamigay sa mga biktima ng sunog ng food packs at hygiene kits na may facemasks at toiletries tulad ng soap, shampoo, detergent, toothbrush at toothpaste.
Ang mga tumanggap ng ayuda ay may kabuuang 382 pamilya kung saan ang mga kabahayan ay natupok sa isang sunog sa P. Guevarra St., Sta. Cruz, Manila. VERLIN RUIZ