MAAARI nang tingnan ng mga benepisyaryo ng 4Ps ang kanilang cash cards kaugnay ng social amelioration program ng pamahalaan.
Ito ang ipinarating ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rolando Bautista kasabay ng pagsasabing inuna nila ang 4Ps beneficiaries sa binigyan ng agarang ayuda sa ilalim ng social amelioration program para sa mga kababayang nangangailangan.
Aniya, pinamamadali na rin ng DSWD ang pagproseso sa pagbibigay ng ayuda sa iba pang sektor.
Tiniyak ni Bautista na kanilang mamadaliin na maipalabas ang ayuda ngayong hawak na nila ang inisyal na P100 bilyong halaga ng financial assistance para ipamudmod sa may 18 milyong pamilyang apektado ng Luzon-wide enhanced community quarantine dulot ng COVID-19.
Ipinaliwanag pa ng DSWD chief na ang hawak na cash card ng 4Ps beneficiaries ay kahalintulad ng credit card na maaari ring gamitin sa groceries, pagbabayad ng utility bills at iba pa.
Aniya, abala ang DSWD sa pakikipag-ugnayan sa local government units (LGUs) kung saan kanila itong magiging katuwang sa pagbibigay ng amelioration cards sa ilalim ng superbisyon ng DSWD.
Nabatid na may ide-deputize ang DSWD sa ilang LGUs para sa pamamahagi ng libreng amelioration forms at cards kung saan iba-validate ng DSWD ang mga nag-fill up ng form bago mabigyan ng tulong pinansiyal na nasa P8,000 para sa mga taga-National Capital Region (NCR) habang sa ibang probinsiya ay nasa P5,000 depende sa rate ng minimum wage ng bawat rehiyon.
Ang mga munisipyo, barangay o LGU ang siyang magre-reproduce ng cards na ipamamahagi ng house to house ng mga barangay official na binabantayan o nasa ilalim ng superbisyon ng DSWD katuwang ang pulis at militar.
Nagbanta rin si Bautista na kanilang ipadadampot at kakasuhan ang sinumang mahuhuling namemeke ng social amelioration forms.
Apela naman ni Bautista, sakaling may malamang anomalya kaugnay ng ipamamahaging ayuda ay naka-handang tumanggap ng sumbong ang DSWD monitoring at action team.
Sakali namang may mabalitaan ang DSWD na iregularidad na kinasasangkutan ng LGUs ay agad na sususpendihin ang pamamahagi ng financial assistance at papanagutin ang mga ito. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.