MAGBIBIGAY ng personal na cash incentives si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga manlalarong magbibigay ng karangalan sa bansa sa Southeast Asian Games (SEA Games).
Ito ang kinumpirma ni Senador Christopher Bong Go subalit wala itong ideya kung magkano ang dagdag na cash incentives na planong ibigay ni Pangulong Duterte sa mga atletang makasusungkit ng medalya.
Gayunpaman, aniya mas importante ang Lapu-Lapu award na ibibigay ng Pangulo sa mga winning athlete dahil isa itong presidential award.
Inihayag din ni Go na libre na mga Pinoy na gustong manood ng mga laro sa 30th South East Asian Games.
Aniya, base sa pag-uusap nila ni Phisgoc Chairman Alan Peter Cayetano, maaaring buksan sa publiko nang libre ang panonood ng mga laro maliban sa basketball, volleyball at football dahil sold out na ang mga ticket nito.
Sinabi pa nito na hintayin na lang kung paano ang gagawing distribution ng ticket ng Phisgoc hinggil dito matapos sang-ayunan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang suhestiyon na gawing libre ang ticket para magkaroon ng mas maraming taga-cheer ang mga atletang Pinoy. VICKY CERVALES
Comments are closed.