PANGUNGUNAHAN nina Gilas Pilipinas veterans Jayson Castro at Terrence Romeo ang walong TNT KaTropa players sa national team roster para sa 18th Asian Games na lalarga sa Agosto 18 sa Indonesia.
Makakasama nina Castro at Romeo sa quadrennial meet sina fellow Gilas mainstays Troy Rosario at Roger Pogoy, dating Philippine team members Kelly Williams at Jericho Cruz, Tony Semerad and Don Trollano.
Isinama rin ni Asiad team coach Chot Reyes sa lineup sina naturalized player Andray Blatche at Gilas Cadet members Kobe Paras, Ricci Rivero ng University of the Philippines at Abu Tratter ng PBA D-League side Marinerong Pilipino.
Ang pagkakasama ng walong TNT players sa koponan ay naganap matapos ang isang kasunduan sa pagitan ng PBA Board of Governors sa board meeting nito kamakailan.
Ang setup ay katulad sa ginamit sa 1994 Hiroshima Games nang piliin ang San Miguel na katawanin ang bansa bilang pabuya makaraang makopo ang All-Filipino crown. Kalaunan ay nagdagdag ang Beermen ng players mula sa ibang PBA teams at sa amateur ranks.
Nag-alok ang Alaska na magpahiram ng isang player para sa Asiad subalit nagpasiya si Reyes na mag-stick sa TNT core upang hindi masira ang paghahanda ng Aces para sa Governors’ Cup.
Ang koponan ay sasabak sa Indonesia na tanging si Williams lamang ang may karanasan sa paglalaro sa Asiad.
Si Williams ay sumabak sa 2010 Guangzhou Games kung saan tumapos ang Rajko Toroman-mentored Gilas sa ika-6 na puwesto.
Hindi naman na bago kina Castro, Romeo, Rosario at Pogoy ang katawanin ang bansa sa iba’t ibang FIBA-sanctioned tournaments habang si Cruz ay miyembro ng national squad na nagwagi ng gold medal sa 2013 Southeast Asian Games sa Nay Pyi Taw, Myanmar.
Samantala, kakatawanin nina Semerad at Trollano ang bansa sa unang pagkakataon.
Comments are closed.