LUMILINAW ang tsansa ni independent presidential candidate Panfilo Lacson na makapitas ng malaking bahagi ng boto ng Bicolandia partikular sa lalawigan ng Catanduanes taliwas sa mga ibinabalitang mayroon nang mabigat na sinusuportahang kandidato ang rehiyon.
Sa personal kasing pagdalaw ni Lacson sa bayan ng Virac, kapitolyo ng Catanduanes, naramdaman niya ang mainit na pagtanggap mula pa lamang sa courtesy call kay Mayor Sinfroso Sarmiento hanggang sa idinaos na townhall meeting sa Catanduanes State University (CatSU).
“O magpapalit na ba kayo? Kailangan lang pala kayong dalawin nang personal,” natatawa subalit seryosong banggit ni Sarmiento matapos na magkagulo ang mga staff ng munisipyo sa pagpapalitrato kay Lacson nang ang kandidato ay dumating sa munisipyo ng Virac.
Hiling din ng alkalde na sana ay dumami pa ang makaalam ng Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE) na isinusulong ni Lacson para mas magkaroon ng tsansa ang mga mahihirap na lokal na pamahalaan na maingat ang antas ng pamumuhay sa kanilang mga lugar.
Ang BRAVE ay naglalayong direktang pagkalooban ng badyet ng pambansang pamahalaan ang mga lokal na pamahalaan mula sa lalawigan, lungsod, munisipyo at mga barangay para sa mabilisang paglikha ng mga proyektong magbibigay ng kita sa mga residente ng mga lugar.
Si Sarmiento ay sinasabing miyembro ng partido PROMDI pero dahil hindi nakapaglunsad ng tuloy-tuloy na pambansang kampanya ang hanay nito ay sinasabing kay Lacson na ang direksiyon ng pagsuporta nito.
Ang alkalde ay nakasuot ng pulang t-shirt nang salubungin si Lacson sa labas ng tanggapan nito sa ikalawang palapag ng gusali ng munisipyo.
Naging seryoso naman ang naging paksa ng usapan nina Lacson at Catanduanes Governor Joseph Cua tungkol sa plataporma ng presidential candidate sa pangangasiwa ng badyet, lalong lalo na sa panahon ng pandemya.
At kagaya ng nangyari sa munisipyo ng Virac, pinagkaguluhan din si Lacson ng mga kawani ng kapitolyo at iba pang mga nagtungo roon para makita ang kandidato.
Dinagsa naman ang townhall meeting ni Lacson sa Catanduanes State University kung saan, nasa dalawang libong mga kinatawan ng iba’t ibang sektor at residente ang dumalo ang kanyang plataporma pati na ang kasamang senatorial candidate na si Dra. Minguita Padilla.
Napasarap ang talakayan kung kaya’t naantala ng halos isang oras ang paglipad ng grupo ni Lacson mula sa Virac patungo sa lungsod ng Naga para sa susunod na pakikipagtalastasan ng kandidato sa mga Bicolano.