INANGKIN ng Cavitex ang Leg 4 ng PBA 3×3 makaraang maitarak ang 19-15 panalo kontra Pioneer Elastoseal para sa kanilang unang korona sa Third Conference Season 2 nitong Linggo sa Robinsons Place Novaliches.
Nagbida si Dominick Fajardo para sa Braves na may 11 points at 5 rebounds, kabilang ang near-perfect 8-of-9 shooting mula sa field upang bitbitin ang NLEX franchise sa ibabaw at kunin ang P100,000 prize purse.
Pukpukan ang laban sa huling tatlong minuto nang bumanat ang Cavitex ng 6-1 run upang kunin ang 18-12 kalamangan sa jump shot ni Bong Galanza, may 1:26 ang nalalabi.
Tumapos si Jorey Napoles na may 4 points, habang gumawa sina Galanza at big man Tzaddy Rangel ng tig-2 para tulungan si coach Kyles Lao na kunin ang kanyang unang titulo sa Cavitex.
Naiuwi ng Pioneer ang P50,000 premyo at naduplika ang parehong pagtatapos sa Leg 1 nang yumuko ito sa San Miguel Beer sa finals.
Sa duelo para sa ikatlong puwesto ay ginapi ng TNT Tropang Giga ang Platinum Karaoke, 20-18.
Iskor:
Third place:
TNT (20) – De Leon 6, Villegas 5, Exciminiano 5, Vosotros 4.
Platinum Karaoke (18) – Banal 8, Salva 5, Andrada 3, Tumalip 2.
Finals:
Cavitex (19) – Fajardo 11, Napoles 4, Galanza 2, Rangel 2.
Pioneer Elastoseal (15) – Morido 6, Villamor 4, Mocon 3, Abrigo 2.