MULING nanalasa si LeBron James nang durugin ng Cleveland Cavaliers ang Toronto Raptors, 128-93, upang walisin ang serye at umusad sa NBA Eastern Conference finals noong Lunes.
Tumapos si James, ang buzzer-beating hero ng panalo ng Cleveland sa Game 3 noong Sabado, na may 29 points.
Pumasok ang Toronto sa playoffs bilang number one seed mula sa Eastern Conference, at desperadong maputol ang dominasyon ni James at ng Cavaliers sa kanilang playoff series meetings.
Makakasagupa ng Cleveland ang magwawagi sa serye ng Boston at Philadelphia.
Ito ang ikatlong sunod na taon na nasibalk ang Raptors sa playoffs laban sa Cavaliers.
Humugot din si James ng walong rebounds at nagbigay ng 11 assists.
Apat na iba pang Cavaliers starters ang nagtala ng double digits, kung saan gumawa sina Kevin Love ng 23 points at Kyle Korver ng 16 points.
Nagdagdag si J.R. Smith ng 15 points habang nakalikom si George Hill ng 12 points.
Napatalsik si DeMar DeRozan ng Toronto sa fourth quarter habang nalimitahan si Kyle Lowry sa limang puntos lamang.
76ers 103, Celtics 92
Kumana si Dario Saric ng playoff-career-high 25 points, at nag-ambag si T.J. McConnell ng career-best 19 points at 7 assists nang maitakas ng host Philadelphia 76ers ang 103-92 panalo kontra Boston Celtics sa Game 4 at makaiwas sa pagkakasibak noong Lunes ng gabi.
Nagposte si Ben Simmons ng 19 points, 13 rebounds at 5 assists, at tumapos si Joel Embiid na may 15 points at 13 boards para sa 76ers, na natapyas ang best-of-seven Eastern Conference semifinals series sa 3-1.
Kumabig si Jayson Tatum ng 20 points aat nagdagdag si Marcus Morris ng 17 para sa Celtics. Nagwagi ang Boston sa unang dalawang laro ng serye sa home bago naitarak ang 101-98 overtime victory sa Game 3 noong Sabado. Ang Celtics ay 1-4 sa road sa playoffs.
Wala pang koponan sa kasaysayan ng NBA na nanalo sa serye makaraang maghabol sa 3-0.
“We have nothing to lose,” wika ni McConnell matapos ang laro. “Our coach told us … the team that’s winning (3-0) is 129-0, so we really have nothing to lose. We’re playing our hearts out and just trying to be that one team.”
Nakatakda ang Game 5 sa Miyerkoles ng gabi sa Boston.
Bumuslo ang 76ers ng 40.4 percent (38 of 94) mula sa floor at na-outrebound ang visitors, 53-43. Naisalpak ng Celtics ang 41.3 percent (31 of 75) ng kanilang field-goal attempts.
Umabante ang Philadelphia ng hanggang 18 points sa third quarter at angat sa 76-65 matapos ang tatlong yugto. Hindi nagawang tapyasin ng Boston ang kalamangan ng mas mababa sa 10 sa fourth.
Comments are closed.