CAYETANO BILANG SPEAKER?

MASAlamin

ANG hanap natin sa susunod na magiging House Speaker ay kakayahan. Ang kakayahan ay nagiging posible dahil sa karanasan. Kaya naman nang tanungin ako ng isang kapwa mamamahayag kung ubra ba si Alan Cayetano sa tinutumbok nitong posisyon, ang sagot ko, bakit hindi?

May benepisyo ang bansa kung si Cayetano ang magiging speaker of the House. Kung karanasan, galing, talino at iba pang kuwalipikasyon ang pag-uusapan, ‘ika nga, ay taglay ni Ca­yetano ang mga ‘yan.

Pinatunayan na ng paulit-ulit ni Cayetano na kaya niyang gawin ang dapat gawin tulad na lang ng pagkapanalo ni PRRD sa Taguig noong 2016 at ang pamamayagpag ng mga kanidatong senador ng Hugpong sa top 12 sa Taguig nito lamang Mayo.

Tinindigan din niya at ipinagtanggol dito sa Filipinas at sa buong mundo si PRRD sa giyera nito kontra droga, isyu ng human rights at iba pang usapin kaya pati siya kinasuhan kasama si PRRD ni Atty. Jude Sabio sa International Courts.

Buong tapang din nitong nilabanan ang mga makapangyarihan sa pagbubunyag at pag-iimbestiga ng Senado maging noong siya ay kongresista pa sa mga katiwalian. Isinulong niya ang good governance at anti-corruption sa kanyang paninilbihan.

Naging konsehal, vice mayor at 3 termer congressman kaya gets na gets ni Cayetano ang takbo ng lokal na politika. Dalawang beses din siyang naging senador kaya naiintindihan  nito ang kalakaran ng national politics kaya kaya niyang itulay ang Kamara at Senado sa isa’t isa.

Naging miyembro rin si Cayetano ng gabinete kaya kaya nitong itawid ang Lehislatura sa Ehekutibo. Maliban dito, kayang-kaya niyang katawanin ang Kamara at Filipinas sa international arena dahil sa kanyang karanasan bilang Foreign Affairs secretary.

Sa madaling sabi, si Cayetano ay kuwalipikado, may magandang track record, at kakayahan na pamunuan ang Kamara.

Comments are closed.