CBCP OFFICIAL, PUMABOR SA MANDATORY DRUG TEST SA GRADE 4 PUPILS

TALIWAS sa pagtutol ng mga opisyal ng Department of Education (DepEd) at Commission on Human Rights (CHR) sa panukalang isailalim sa mandatory drug testing ang mga mag-aaral na nasa ikaapat na baitang pa lamang at pataas, nagpahayag naman ng pagsang-ayon dito ang isang opisyal ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).

Ayon kay CBCP- Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education chairman at San Jose, Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari, mahalaga ang naturang panukala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) upang mapigilan ang mga kabataan na masangkot sa ipinagbabawal na gamot.

Sinabi ng Obispo na masyado nang malawak ang problema sa ilegal na droga kaya’t maging mga bata ay posibleng apektado na nito.

Naniniwala rin ang Obispo na may posibilidad talaga na sa edad na 10-taong gulang ay nasasangkot na sa ipinagbabawal na gamot dahil sa ganitong edad nagsisimula ang pagkamausisa ng bata.

“Sa akin walang problema ‘yan kasi nga nakikita natin ‘yan kung gaano kalawak ‘yung problema ng drugs kung paanong talagang inaabot nila lahat pati ang mga bata ‘yung sinasabi nilang may mga candies pa na hinahaluan ng drugs. I think mahalaga ito para ma-prevent natin ‘yung mga bata mismo ay maapektuhan nitong problemang ito ng drugs,” ani Mallari, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Nauna rito, ipinanukala ni PDEA Director General Aaron Aquino na magsagawa ng mandatory drug testing sa mga batang nasa Grade 4 lamang at pataas, at kanilang mga guro, matapos na makaaresto ng 10-taong gulang na bata na pinaghihinalaang gumagamit ng ilegal na droga.

Nilinaw naman ni Aquino na magiging confidential naman ang resulta ng kanilang isasagawang pagsusuri.

Nanawagan naman si Mallari sa mga magulang at mga guro na makipagtulungan sa mga prog­ramang ipatutupad ng pamahalaan lalo na kung ito ay para sa kabutihan ng mga kabataan.

“Para po sa mga magulang at mga teachers natin, I think mahalaga na we try to as much as possible we cooperate to the government kasi I suppose gusto din nila ‘yung ikabubuti ng mga anak natin,” aniya pa.

Batid din aniya ng obispo na mahalagang mapigilan sa lalong madaling panahon ang mga kabataan sa pagkakasangkot sa anumang ilegal na gawain tulad ng droga upang makaiwas sa masamang epekto na maidudulot sa pagkatao at sa lipunan.          ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.