Nangangamba ang Citizens Crime Watch (CCW) tungkol sa umano’y korupsyon na nagaganap kaugnay ng mga pekeng produkto na nakukumpiska ng mga awtoridad.
Ayon kay CCW National President Diego Magpantay, naibenta nang muli ang marami sa mga confiscated fake vape products na nasa higit P500 milyon ang halaga.
Dagdag pa ng CCW, nangyayari umano ito dahil hindi na dumadaan sa Office of the Commissioner ng Bureau of Customs (BoC) ang safekeeping ng mga pekeng produkto.
Kaugnay sa panawagan ng CCW ay ang usapin ng mga pekeng produktong nakumpiska sa Binondo nitong isang linggo lamang. Ang malaking operasyon na ito ay pinangunahan ng Port of Manila (POM) at ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS). Nasa P11 bilyon ang sinasabing halaga ng mga pekeng produkto at pinangangambahan nga ng CCW na baka maibalik sa merkado ang mga ito kung hindi magkakaroon ng panibagong inventory sa mga warehouse kung saan dinadala ang mga nababawing IPR items.
Ayon sa CCW, mahalagang malaman ng kinauukulan at ng publiko ang mga ganitong pangyayari upang maiwasan na ang mga ilegal na aktibidad at upang mabigyan din ng babala ang publiko tungkol sa posibleng pagpasok muli ng mga pekeng produkto sa ating merkado.