HANOI — Pinataas ni Philippine Sports Commission Commissioner Ramon Fernandez ang kumpiyansa ng Filipino athletes mula sa beach handball at kickboxing sa kanilang kampanya na magwagi ng medalya sa 31st Southeast Asian Games dito.
Binisita ni Fernandez, ang Team Philippines chef de mission sa Games, ang billeting areas ng naturang sports at nagbigay-inspirasyon sa Filipino athletes sa isang inspirational talk para lumaban sila sa highest level at magbigay ng karangalan sa bansa.
“Our athletes have prepared well for the SEA Games, and I trust that all of them will put in their best effort to deliver those medals,’’ pahayag ni Fernandez.
Namahagi rin ang PSC staff ng allowances sa mga koponan at tiniyak ang pagkakaloob ng government sports agency ng pangangailangan ng mga atleta at coach.
Dumating na rin ang men’s football team sa Hanoi. Ang mga koponan mula sa women’s football, kurash/judo, rowing, at diving ay nakatakdang dumating ngayong Biyernes, anim na araw bago ang opening ceremony ng Hanoi, Vietnam Games sa Mayo 12.
Pinondohan ng PSC ang partisipasyon ng 879-strong Philippine delegation, kabilang ang 641 athletes at 238 officials na may misyong maiuwi ang karamihan sa gold medals na nakataya sa 39 sa 40 sports sa SEA Games program.
Ang Team Philippines ang defending overall champion ng 11-nation sportsfest sa hosting ng bansa noong 2019. Humakot ang Filipino athletes ng 149 golds, 117 silvers, at 121 bronzes upang kunin ang ikalawang overall title makaraang makopo ito sa 2005 Manila edition.