CDM FERNANDEZ NAG-COURTESY VISIT SA PH EMBASSY SA HANOI

HANOI – Pinangunahan ni Philippine Sports Commission Commissioner at 31st Southeast Asian Games Chef de Mission Ramon Fernandez ang courtesy visit kay H.E. Ambassador Meynardo Montealegre sa Philippine Embassy sa Vietnam noong Lunes, ang unang full day ng Team Philippines makaraang dumating sa Hanoi noong Linggo ng gabi.

Ang PSC Commissioner ay mainit na tinanggap ni Ambassador Montealegre, at tinalakay ang paglahok ng Team Philippines sa Vietnam SEA Games.

Pinasalamatan ni Fernandez ang Ambassador sa pagtanggap sa kanya at sa kanyang team.

“We are very happy and grateful for your support to Team Philippines.”

Tiniyak ni Ambassador Montealegre kay Fernandez na nakahanda silang suportahan ang Team Philippines.

Ayon kay Ambassador Montealegre, ang  Filipino community sa Hanoi ay lubhang aktibo at nagtatanong na ang mga Filipino resident mula sa Ho chi Minh at Danang ng  tickets para makapanood at suportahan ang koponan sa kanilang mga laban. Tinatayang may 7,000 documented Filipinos sa Vietnam.

Sinamahan ng PSC team sa pangunguna nina Deputy Executive Director for Finance and Administration Merlita Ibay, at  staff Maria Luisa Ner, Caroline Tobias, Michelle Balunan, Sharon Llameda at Malyn Bamba si Fernandez at ang maybahay nitong si Karla Fernandez sa nasabing pagbisita.

Dumalo ang dalawang Deputy Chefs de Mission — Carl Sembrano at Pearl Managuelod — sa unang bahagi ng Delegation Registration Meetings for Team Philippines na nagsimula noong Lunes. CLYDE MARIANO