CELTICS HINDI UMUBRA SA MAGIC

NAGBUHOS si Paolo Banchero ng team-high 23 points at tumapos si Wendell Carter Jr. na may 21 points at 11 rebounds upang pangunahan ang Orlando Magic sa 113-98 home victory kontra short-handed Boston Celtics Lunes ng gabi.

Ang Boston ay lumapit sa dalawang puntos, 97-95, kasunod ng 3-pointer ni Jayson Tatum, may 6:20 ang nalalabi, ngunit bumanat ang Magic ng 10-0 run sa sumunod na 3:24 upang makalayo.

Ito ang ikatlong panalo ng Orlando kontra Boston sa apat na pagtatangka ngayong season. Tinapos din nito ang nine-game winning streak ng Boston.

Umiskor si Cole Anthony ng 18 points mula sa bench para sa Orlando, na nakakuha ng 15-point performance mula kay Franz Wagner.

Umiskor sina Tatum, lumiban sa 106-104 panalo ng Boston sa Toronto noong Sabado dahil sa sore left wrist, at Jaylen Brown ng tig-26 points para sa Celtics, na gumawa ng 18 turnovers. Nagtangka ang Celtics sa 46 3-pointers at nakapagpasok lamang ng 18 (39.1 percent).

Naglaro ang Boston na wala sina center Robert Williams III (knee), guard Marcus Smart (ankle) at guard Malcolm Brogdon (personal reasons).

Blazers 147, Spurs 127

Nagposte si Damian Lillard ng 37 points at 12 assists at umakyat sa seventh place sa all-time 3-pointers list nang pangunahan ang Portland Trail Blazers sa panalo kontra San Antonio Spurs.

Ang seventh at final trey ni Lillard sa gabi ay 2,283rd sa kanyang career, at nalagpasan si Jason Terry. Si Lillard ay pitong triples lang ang agwat kay sixth-place Vince Carter.

Tumipa si Anfernee Simons ng 26 points at nagdagdag si Jusuf Nurkic ng 25 points, 11 rebounds, 7 assists at 3 steals para sa Trail Blazers na pinutol ang three-game losing streak at nagwagi sa ika-5 pagkakataon sa 17 games. Kumubra si Shaedon Sharpe ng 19 points at nagdagdag si fellow reserve Nassir Little ng 10 para sa Portland na nagposte ng season-high point total.

Nakakolekta si Keldon Johnson ng 20 points at nag-ambag si Jeremy Sochan ng 18 para sa Spurs, na natalo sa ika-10 pagkakataon sa nakalipas na 12 games. Umiskor si Jakob Poeltl ng 14 points, kumabig si Doug McDermott ng 13 at nagtala sina Tre Jones at Romeo Langford ng tig-12 points.

Nagdagdag sina Zach Collins at Josh Richardson ng tig-11 points para sa Spurs, na bumuslo ng 52.2 percent mula sa field at nagtala ng 13 of 27 shots mula sa 3-point range.

Sa iba pang laro, naitala ni Jalen Green ang 11 sa kanyang career-high 42 points sa fourth quarter at naitakas ng Houston Rockets ang 119-114 home victory kontra Minnesota Timberwolves para putulin ang 13-game l­osing skid.