NAITALA ni Jayson Tatum ang 15 sa kanyang team-high 28 points sa third quarter upang tulungan ang bisitang Boston Celtics na maitakas ang 123-115 panalo laban sa Atlanta Hawks noong Lunes ng gabi.
Si Tatum ay 10 for 20 mula sa field na may limang 3-pointers at kumalawit ng pitong rebounds. Isa siya sa tatlong Celtics na nagtala ng double figures sa scoring, kasama sina Gordon Hayward na may 24 points at Jaylen Brown na may 21. Nagdagdag si Hayward ng 7 rebounds at 6 assists.
Humabol ang Hawks ng hanggang 13 points sa second half subalit dumikit sa dalawa sa jumper ni Kevin Huerter na naglagay sa talaan sa 103-101. Sumagot si Hayward ng back-to-back baskets, at hindi na nakalapit ang Atlanta ng mas mababa sa tatlong puntos.
Nanguna para sa Atlanta si Trae Young na may 34 points at 7 assists. Ngunit gumawa si Young ng siyam na turnovers, kabilang ang isa, may isang minuto ang nalalabi nang nalamangan ang Hawks ng apat na puntos.
Nakakuha rin ang Hawks ng 23 points mula kay Huerter, na kumana ng limang tres. Nagdagdag si John Collins ng 22 points at 11 rebounds.
Naglaro ang Atlanta na wala sina Cam Reddish (concussion), De’Andre Hunter (left-ankle sprain), Bruno Fernando (left-calf strain), DeAndre Bembry (right-hand neuritis) at Alex Len (right hip flexor strain).
MAVERICKS 112, PACERS 103
Kumamada si Kristaps Porzingis ng season highs kapwa sa points (38) at 3-pointers (six) nang igupo ng Dallas Mavericks ang Indiana Pacers noong Lunes sa Indianapolis.
Nagdagdag si Porzingis ng 12 rebounds at naipasok ang lahat ng 12 free-throw attempts tungo sa pagbura sa kanyang naunang season-high point total na 35 na naitala sa 128-121 kabiguan ng Mavericks sa Houston noong Biyernes.
Tumipa si Tim Hardaway Jr. ng 25 points at nag-ambag si Dorian Finney-Smith ng 15 at 11 rebounds para sa Mavericks, na umangat sa 17-7 sa road makaraang gapiin ang Indiana sa ika-5 pagkakataon sa kanilang huling anim na asignatura.
Nakakolekta si Domantas Sabonis ng 26 points at 12 rebounds para sa Pacers, na nalasap ang ika-3 kabiguan sa kanilang huling apat na laro.
CLIPPERS 108, SPURS 105
Umiskor si Kawhi Leonard ng 22 points at gumawa si Paul George ng 19 upang pangunahan ang Los Angeles Clippers sa come-from-behind win kontra bisitang San Antonio Spurs.
Si Leonard, nagbigay rin ng 7 assists at kumalawit ng 6 rebounds, ay kumamada ng hindi bababa sa 30 points sa kanyang huling siyam na laro Tumapos si George na may game highs sa rebounds, 12, at assists, 8.
Nagdagdag si Montrezl Harrell ng 14 points, at kumabig sina Lou Williams at Patrick Beverley ng tig-12 points.
KINGS 113, TIMBERWOLVES 109
Humataw si De’Aaron Fox ng 31 points sa 10-of-16 shooting upang tulungan ang Sacramento Kings na manaig laban sa bisitang Minnesota Timberwolves.
Nag-ambag si Bogdan Bogdanovic ng 23 points at gumawa si Buddy Hield ng 16 mula sa bench para sa Kings. Tumabo si Harrison Barnes ng 14 points at 7 assists, at kumamada si Nemanja Bjelica ng 12 points para sa Sacramento, na naiposte ang ika-4 na panalo sa huling anim na laro.
Nagbuhos si Karl-Anthony Towns ng 22 points, 10 rebounds at 6 assists para sa Timberwolves. Tumipa si Shabazz Napier ng 17 points at 7 assists, habang nagdagdag sina Robert Covington ng 15 points, Josh Okogie at Kelan Martin ng tig-12, at Wiggins ng 10.
Comments are closed.