CELTICS, LAKERS MAINIT ANG SIMULA

NAGBUHOS si Jayson Tatum ng 37 points at mainit na sinimulan ng Boston Celtics ang pagdepensa sa kanilang NBA crown matapos ang 132-109 panalo laban sa New York Knicks nitong Martes (Miyerkoles sa Manila).

Matapos ang matagumpay na pre-game ceremony kung saan itinaas ng Boston ang kanilang record-breaking 18th championship banner, ang Celtics ay nagpamalas ng performance na nagpapahiwatig na sila ulit ang ‘team to beat’ ngayong season.

Isang devastating 43-point first quarter ang naglagay sa Boston sa kontrol sa first half, kung saan kumana si Tatum ng electric shooting performance upang magbuhos ng 18 points mula sa three-point range sa loob ng dalawang quarters.

“I’m really proud of the way we played. Tonight was emotional — a celebration of what we accomplished last year,” sabi ni Tatum.

“For a lot of us, that was our first experience getting a ring and raising the banner. So tonight was special. To kind of have to reset and go try to win a basketball game against a really good team…the way that we just came out and responded and played the right way,” dagdag pa niya.

Umiskor si Derrick White ng 24 points, nagdagdag si Jaylen Brown ng 23 at nagbigay si Tatum ng 10 assists para sa defending champions.

Umabante ang Boston ng hanggang 35 points bago sumablay sa kanilang huling 13 3-point attempts habang tinatangkang burahin ang record.
Nagtala si Jalen Brunson ng 22 points para sa New York, at gumawa si new addition Karl-Anthony Towns ng 12 points lamang at 7 rebounds.

Lakers 110, Timberwolves 103
Sina LeBron James at Bronny James ay naging unang mag-ama na magkasamang naglaro sa NBA sa panalo ng Los Angeles Lakers kontra Minnesota Timberwolves.

Ang 39-year-old superstar at ang kanyang 20-year-old son ay magkasamang naglaro sa loob ng halos 2 1/2 minuto sa first half ng NBA debut ni Bronny.

Umiskor si LeBron ng 16 points, habang nagtala si Anthony Davis ng 36 points at 16 rebounds sa dominant performance para sa Lakers. Nagdagdag si Rui Hachimura ng 18 points.

Nagwagi si JJ Redick sa kanyang head coaching debut para sa Lakers, na kinuha ang 15-year NBA veteran para sa kanyang unang coaching job sa anumang lebel.

Nagposte si Anthony Edwards ng 27 points para sa Timberwolves, na galing sa kanilang pinakamagandang season sa loob ng 20 taon.

Nakalikom si Julius Randle ng 16 points at 9 rebounds, at tumapos si Donte DiVincenzo na may 10 points sa kanilang Timberwolves debuts.

Umiskor si Dalton Knecht ng 5 points sa first-round pick debut ng Lakers.