NAGBUHOS si Jayson Tatum ng season-high 49 points, at hinila ng Boston Celtics ang kanilang winning streak sa limang laro sa 134-121 panalo kontra bisitang Miami Heat Miyerkoles ng gabi.
Sa pagkatalo ay nahulog ang road record ng Miami sa 2-8. Ang Celtics ay unbeaten sa kanilang huling 10 home games.
Naipasok ni Tatum ang walo sa kanyang 12 3-pointers, at kumalawit din ng game-high 11 rebounds.
Nagdagdag si Jaylen Brown ng 26 points for para sa Celtics. Tumapos si Malcolm Brogdon na may 21.
Ang lahat ng limang Miami starters ay umiskor ng double figures. Nanguna sina Bam Adebayo at Max Strus na may tig-23 points. Tumapos si Tyler Herro na may 22, gumawa si Kyle Lowry ng 14 at nag-ambag si Caleb Martin ng 10. Umiskor si Strus ng 19 points sa third quarter.
Jazz 125, Clippers 112
Kumana si Jordan Clarkson ng season-high 33 points upang tulungan ang Utah Jazz na putulin ang five-game losing streak sa panalo laban sa Los Angeles Clippers.
Kumabig si Lauri Markkanen ng 23 points at 9 rebounds, nag-ambag si Collin Sexton ng 21 points, 6 rebounds at 6 assists at nakalikom si Jarred Vanderbilt ng 14 points at 12 rebounds para sa Utah.
Nanguna si John Wall para sa Clippers na may 26 points mula sa bench, subalit nalimitahan sila nang wala sina Paul George (hamstring), Kawhi Leonard (ankle) at Norman Powell (groin) at naglaro sa ikalawang sunod na gabi makaraang magwagi sa Portland noong Martes.
Suns 132, Bulls 113
Nagpakawala si Devin Booker ng season-high 51 points bago ipinahinga sa fourth quarter at hinila ng Phoenix Suns ang kanilang winning streak sa anim na laro sa panalo kontra bisitang Chicago Bulls.
Umiskor si Deandre Ayton ng season-high 30 points at humugot ng 16 rebounds para sa Phoenix, na lumamang wire-to-wire at umangat sa 12-1 sa home. Nagposte sina Landry Shamet at Damion Lee ng tig-12 points.
Bumagsak ang Chicago sa 2-2 sa six-game road trip habang bumuslo ng 4 of 25 (16 percent) mula sa 3-point range.
Tumirada si DeMar DeRozan ng 29 points upang pangunahan ang Bulls, habang nagdagdag si Zach LaVine ng 21 points at 7 assists. Nag-ambag si Nikola Vucevic ng 17 points, tumipa si Alex Caruso ng 14, at tumabo si Ayo Dosunmu ng 11.