UMISKOR sina Jayson Tatum at Jaylen Brown ng tig-29 points nang pataubin ng Eastern Conference leading Boston Celtics ang Los Angeles Clippers, 116-110, sa NBA noong Huwebes.
Tinapos ng Celtics (25-10) ang kanilang pitong laro sa home, na sinimulan sa tatlong talo at sinundan ng apat na sunod na panalo.
Angat lamang ang Boston ng tatlong puntos, may 33 segundo ang nalalabi, sinupalpal ni Derrick White ang layup ni Paul George at hinigpitan ng Celtics ang kapit sa bentahe.
“It was a rough start obviously but we bounced back well and now we have got four tough games on the road and we have to find a way to get wins,” sabi ni White.
Nanguna si Kawhi Leonard para sa Clippers na may 26 points at 8 rebounds habang kumubra si Paul George ng 24 points.
Mavericks 129, Rockets 114
Ipinagpatuloy ni Luka Doncic ang kanyang extraordinary season sa kinamadang 35 points, 12 rebounds at 13 assists nang gapiin ng Dallas Mavericks ang Houston Rockets.
Nagtala si Doncic ng 30-point triple-double sa unang tatlong quarters ng laro — ang ika-5 pagkakataon sa kanyang career na natamo niya ang kahanga-hangang gawa.
Grizzlies 119, Raptors 106
Nagbigay si Ja Morant ng career high 17 assists nang dispatsahin ng Memphis Grizzlies angToronto Raptors.
Tumipa si Dillon Brooks ng 25 points sa panalo.
Nalasap ng Raptors ang ika-5 sunod na home loss at ika-8 sa kanilang huling 10 games sa kabila ng malakas na presensiya ni Pascal Siakam, na umiskor ng 25 o higit pa sa huling anim na laro.
Sa iba pang laro ay ginapi ng Indiana Pacers ang Cleveland Cavaliers, 135-126, sa pangunguna ni Tyrese Haliburton na humataw ng 29 points.
Napatalsik sa laro si Pacers head coach Rick Carlisle sa third quarter makaraang galit na iprotesta ang hindi pagtawag sa isang travel ni Donovan Mitchell.
“I’ve been on that guys to stay off the referees and then it was the mortal sin,” sabi ni Carlisle.
“I got a lot of nice text messages during the fourth quarter from people who agreed with my assessment but that is all I will say about it,” dagdag pa niya.