CELTICS PINISAK ANG BLAZERS; MAGIC PINAYUKO ANG KINGS

celtics vs BLAZERS

TUMABO si Jayson Tatum ng game-high 34 points at nagdagdag si Jaylen Brown ng 30 upang pangunahan ang Boston Celtics sa 128-124 panalo laban sa Portland Trail Blazers sa NBA restart game noong Linggo sa The Arena malapit sa Orlando.

Umiskor si Brown ng 22 points sa second half, kabilang ang isang 3-pointer, may 32.3 segundo ang nalalabi, na nagpalobo sa kalamangan ng Boston sa 125-119.

Nagdagdag si Gordon Hayward ng 22 points para sa Boston.

Nanguna sina Damian Lillard at Jusuf Nurkic para sa Portland na may tig-30 points. Naitala ni Lillard, na nag-ambag ng season-high at game-high 16 assists, ang 22 sa kanyang mga puntos sa halftime. Kumalawit si Nurkic ng game-high nine rebounds.

Nakakuha rin ang Blazers ng 21 points mula kay reserve Gary Trent at 17 kay CJ McCollum.

Subalit hindi ito sapat upang mapigilan ang pagkatalo ng Blazers, na nakabuntot sa Memphis Grizzlies para sa final playoff spot sa Western Conference. Ang Portland (30-38) ay naghahabol ngayon sa Grizzlies (32-24) ng tatlong laro.  Samantala, ang Celtics (44-22) ay angat ng dalawang laro sa Miami (42-24) sa third place sa Eastern Conference. Ang Toronto (47-18) ay 3 1/2 games ang agwat sa Celtics para sa second.

MAGIC 132,

KINGS 116

Kumana si Terrence Ross ng 25 points mula sa bench, nagposte si Nikola Vucevic ng double-double na 23 points at 11 rebounds, at pinayuko ng  Orlando Magic ang Sacramento Kings.

Napanatili ng Magic (32-35) ang half-game lead para sa No. 7 seed sa Eastern Conference sa pamamagitan ng commanding performance kontra Kings (28-38). Maagang umabante ang Orlando at napalawig ang kanilang kalamangan sa double-digits sa first quarter sa likod ni Markelle Fultz.

Naitala ni Fultz ang siyam sa kanyang 14 points sa opening 12 minutes, kabilang ang isang three-quarter-court buzzer-beater.

SPURS 108,

GRIZZLIES 106

Naisalpak ni DeMar DeRozan ang pares ng free throws, may isang segundo ang nalalabi, upang tulungan ang San Antonio Spurs na malusutan ang Memphis Grizzlies sa krusyal na Western Conference seeding game sa Visa Athletic Center.

Lumamang ang Memphis ng hanggang 11 points sa kalagitnaan ng fourth quarter subalit naitabla ang laro sa 106-106 sa 3-pointer ni Jaren Jackson Jr., may 10.6 segundo sa orasan. Nakakuha ng foul si DeRozan kay Dillon Brooks sa  offensive end at naisalpak ang dalawang charity shots.

Matapos ang timeout, isa pang 3-pointer ni Jackson ang sumablay, na nagbigay-daan upang maitakas ng San Antonio ang ikatlong sunod na panalo, mula pa sa kanilang final game bago ang iitigil ang mga laro noong Marso 11 dahil sa COVID-19.

Sa panalo ay lumapit ng dalawang laro ang San Antonio (29-36) sa eighth-place Grizzlies sa standings.

Comments are closed.