CELTICS SA EAST FINALS

NAISALPAK ni rookie Jayson Ta­tum ang  go-ahead layup, may 22 se­gundo ang nalalabi sa fourth, at kinuha ng Boston Celtics ang isang ticket sa NBA Eastern Conference finals sa pamamagitan ng 114-112 panalo laban sa Philadelphia.

Binasag ni Tatum ang 109-109 pagtatabla makaraang masalo ang pasa sa ilalim ng basket at tumulong si Terry Rozier na sel­yuhan ang panalo sa pagbuslo ng pares ng clutch free throws, may siyam na se­gundo ang nalalabi.

Sinibak ng Celtics ang 76ers, 4-1.

Umabante ang Celtics sa ‘final four’ ng NBA kung saan makakasagupa nito si LeBron James at ang Cleveland Cavaliers sa ikalawang sunod na taon para sa isang puwersto sa finals.

Galing ang Boston sa pagkatalo sa Game 4, subalit nagawang dominahan ang 76ers sa krusyal na sandali sa Game 5 upang umangat sa 7-0 sa kanilang home court sa playoffs.

Nakalikom si forward Tatum ng 25 points, nag-ambag si guard Jaylen Brown ng 24 at tumapos si Rozier na may 17 points at 6 rebounds para sa Celtics na 37-0 kapag tangan ang  2-0 lead sa isang playoff series.

Umiskor sina Joel Embiid at Dario Saric ng tig-27 points, habang nagsalansan si Australia’s Ben Simmons ng 18 points, 8 rebounds at 6 assists para sa Philadelphia,  na 0-15 kapag natatalo sa unang dalawang laro ng serye.

Si Tatum ang pangalawang rookie ngayong post-season na nagtala ng pitong sunod na 20-plus point playoff games. Sinamahan niya si Donovan Mitchell ng Utah, na nagawa ito sa unang dalawang rounds para sa Jazz team na pinatalsik ng Houston Rockets noong Martes.

 

Comments are closed.