CELTICS SINUWAG NG BULLS

NAGBUHOS si DeMar DeRozan ng game-high 37 points sa 15-of-20 shooting at nagdagdag ng 7 rebounds, habang kumana si Zach LaVine ng 26 points at 7 assists upang pangunahan ang Chicago Bulls sa 128-114 road win kontra Boston Celtics, Linggo ng gabi.

Umabante ang Celtics ng hanggang 19 points sa huling bahagi ng third quarter bago sumagot ang  Bulls ng 29-9 surge sa pagitan ng quarters upang kunin ang 106-105 lead sa 3-pointer ni Ayo Dosunmu, may 6:54 ang nalalabi. Na-outscore ng Chicago ang Boston, 39-11, overall sa final quarter.

Tumapos si Dosunmu na may 14 points, at nagdagdag sina Lonzo Ball ng 12 at Nikola Vucevic ng 11 points, 10 rebounds at 9 assists para sa Bulls, na nakopo ang ika-6 na panalo sa pitong laro sa season.

Tumipa si Jaylen Brown ng 28 points at kumalawit ng 7 rebounds upang pangunahan ang Celtics. Umiskor si Jayson Tatum ng 20, nag-ambag si Al Horford ng  20 points at 10 rebounds, at umiskor si Marcus Smart ng  16 para sa Boston.

76ERS 113, TRAIL BLAZERS 103

Kumabig si Seth Curry ng 23 points, at nagdagdag si Georges Niang ng 21 nang maitarak ng host Philadelphia ang ikatlong sunod na panalo makaraang gapiin ang Portland.

Tumipa si Furkan Korkmaz ng 15 points at nag-ambag si Andre Drummond ng 14 points, 15 rebounds, 7 assists at 5 steals para sa short-handed Sixers, na naglaro na wala sina Joel Embiid (rest), Ben Simmons (personal) at Tobias Harris dahil sa health and safety protocols.

Nagbida si Norman Powell para sa Trail Blazers na may 22 points, at nagdagdag sina Damian Lillard ng 20 points at 10 assists, CJ McCollum ng 20 points, at Anfernee Simons ng 17.

GRIZZLIES 106, NUGGETS 97

Tumabo si Ja Morant ng 26 points at 8 assists, at gumawa si Tyus Jones ng 17 points upang tulungan ang host Memphis na pataubin ang Denver.

Umiskor si Xavier Tillman ng 12 points at tumapos sina Desmond Bane at Jaren Jackson Jr. na may tig-11 para sa Grizzlies.

Kumana si Nikola Jokic ng 23 points at nagtala si Aaron Gordon ng 15 points at 10 rebounds para sa Nuggets.

CAVALIERS 113, HORNETS 110

Nagposte si Jarrett Allen ng 24 points at kumalawit ng 16 rebounds nang tapusin ng Cleveland ang mapanghamong road trip sa pamamagitan ng panalo kontra Charlotte.

Nagbigay si Lauri Markkanen ng 21 points at nagdagdag si Collin Sexton ng 17 points para sa Cavaliers, na kinailangang apulahin ang mainit na paghahabol ng Hornets. Tumapos si Darius Garland na may 16 points at nagposte si Evan Mobley ng 15 points at 10 rebounds para sa Cleveland na tumapos sa 3-2 sa coast-to-coast trek.

Nanguna sina LaMelo Ball (30 points) at Terry Rozier (23 points) para sa  Hornets, na galing sa panalo kontra Portland Trail Blazers. Gumawa si P.J. Washington ng 18 points mula sa  bench.

Sa iba pang resulta: Pacers 131, Spurs 118; Hawks 118, Wizards 111; Raptors 113, Knicks 104; Clippers 99, Thunder 94; Magic 115, Timberwolves 97.