CELTICS UMESKAPO SA SPURS

UMISKOR si Jayson Tatum ng 34 points, kabilang ang go-ahead basket, may 33.7 segundo ang nalalabi, upang tulungan ang Boston Celtics na maitakas ang 121-116 panalo kontra San Antonio Spurs nitong Sabado.

Umangat ang Celtics sa kanilang league-best record sa 28-12 kung saan tumapos sila sa 2-2 sa road trip.

Nagdagdag si Jaylen Brown ng 29 points, at kumubra si Malcom Brogdon ng 23 mula sa bench, ang kanyang mahalagang kontribusyon makaraang maagang mag-exit si Marcus Smart dahil sa injury.

Tumipa si Robert Williams ng 10 points, kumalawit ng 11 rebounds at nagtala ng apat na blocked shots para sa Celtics, na umabante ng hanggang 11 sa kalagitnaan ng fourth quarter.

Naitabla ng Spurs — nakakuha ng tig-18 points mula kina Zach Collins, Tre Jones at Josh Richardson – ang talaan sa 116-116 sa three-pointer ni Richardson, may 37.4 segundo ang nalalabi.

Isang step-back basket ni Tatum mula sa pasa ni dating Spur Derrick White ang nagbalik sa kalamangan ng Boston, at tatlong free throws ng Celtics ang nagselyo rito.

“There’s obviously a lot of stuff tactically we can work on,” wika ni Celtics coach Joe Mazzulla.

“We needed a game like this, to where it’s back and forth, things aren’t going our way, they are going our way — you don’t get a lot of those.”

“It’s easier to say that because we won,” he acknowledged. “But I’m happy the game went the way it did because we got to execute some stuff.”

Mavs 127, Pelicans 117

Rumesbak ang Dallas Mavericks sa pagkatalo sa Celtics makaraang pataubin ang New Orleans Pelicans sa tulong ng triple-double mula kay Luka Doncic.

Nakabawi si Doncic mula sa isa sa kanyang pinakamasamang laro sa season — isang 23-point performance sa seven-for-23 shooting konta Boston — sa pagkamada ng 34 points, 10 rebounds at 10 assists.

Naitala ng Slovenian star ang kanyang 55th career triple-double at ang kanyang ninth ngayong season, isa sa likod ng league-leading 10 ni Nikola Jokic ng Denver.

Magic 115, Warriors 101

Nalasap ng NBA champion Golden State Warriors, naglaro na wala pa rin si injured Stephen Curry, gayundin si Klay Thompson dahil sa sore knee, ang pambihirang home defeat laban sa Orlando Magic.

Umiskor si rookie Paolo Banchero ng 25 points upang pangunahan ang limang Magic players sa double figures.

Nanguna si Anthony Lamb para sa Golden State na may 26 points mula bench, subalit gumawa ang Warriors ng 16 turnovers at kumonekta sa 33 of 88 shots lamang mula sa field — kabilang ang 18 of 58 three-point attempts.

Sa iba pang laro, nagbuhos si DeMar DeRozan ng 36 points at nagdagdag si Zach Lavine ng 35 upang pangunahan ang Bulls sa ikatlong sunod na panalo kontra Utah Jazz, 126-118.