INILUNSAD nitong Biyernes ng Department of Health – Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) ang cervical cancer screening services na nilahukan ng mga residente mula sa Pasay City.
Ang National Cervical Cancer Screening na ginanap sa Pasay City Astrodome, bilang bahagi ng mga gawain ukol sa pagdiriwang ng Cervical Cancer Awareness Month.
Upang maging matagumpay ang naturang gawain ay inaanyayahan ng Pasay LGU ang mga Pasayeña na dumalo at makiisa sa nasabing paglulunsad na agad namang tinugunan ng mga ito.
Tanging naging kuwalipikasyon sa mga sumailalim sa screening ay ang mga babae may asawa man o wala na nasa 20-65 taong gulang; at sexually active.
Nagsimula ang aktibidad ng ala-1 hanggang alas-3 ng hapon upang makapagpa-screen at magpakonsulta.
Halos mahigit 300 mamamayan ng lungsod ang nakinabang sa naturang programa.
Maliban sa naturang paglulunsad ay maaari ring magsadya sa mga health center na malapit sa kanilang barangay para sumailalim sa naturang programa.
Ang cervical cancer screening ay regular ding programa ng lokal na pamahalaan at bahagi ng H.E.L.P. Priority Agenda Mayor Emi Calixto-Rubiano.
Sinabi ni DOH-MMCHD director Rio Magpantay na pinaiigting ng ahensya ang mga pagsisikap na suriin ang mga babaeng nasa edad 30 hanggang 65 taong gulang sa mga natukoy na pasilidad ng kalusugan o health center sa Metro Manila upang mapabilis ang pag-alis ng cervical cancer.
EVELYN GARCIA/CRISPIN RIZAL