CHAMBERS, DIMAUNAHAN NAG-APLAY NA UST COACH

UST

DALAWA pang dating basketball players ang nadagdag sa pangalan ng mga nag-aplay para maging head coach ng University of Santo Tomas (UST).

Kinumpirma ni dating Alaska import Sean Chambers sa isang podcast na nag-aplay siya para sa posisyon na binakante ni Aldin Ayo.

“Yes, I have,” wika ni Chambers nang tanungin kung nagpasa na siya ng letter of intent sa athletics department ng UST na pinamumunuan ni lFr. Ermito De Sagon.

Samantala, sinabi ni Blackwater interim coach Aries Dimaunahan na nagpadala na rin siya ng letter of intent sa opisina ni De Sagon.

Nakahanda si Chambers, kasalukuyang dean ng mga estudyante sa Fern Bacon Middle School, na dalhin ang kanyang expertise sa paghawak sa mga estudyante sa labas ng  court sa UST sa sandaling matanggap siya.

Sinabi pa ni Chambers na nais niyang masangkot ang Thomasian community sa kampanya ng Growling Tigers sa susunod na UAAP season.

“We start first and foremost with the Tiger Nation. We got to come back to what they used to be,” aniya.

Si Chambers ay nanalo ng anim na PBA titles, pawang sa Aces, kabilang ang apat na sunod na Governors’ Cup championships noong mid-90s

Naging miyembro rin siya ng 1996 grand slam squad ng Alaska sa pagiging import sa Governors’ Cup.

Nangako naman si Dimaunahan na tutulungan ang UST sa abot ng kanyang makakaya.

Si Dimaunahan ay nagtapos sa UST ngunit hindi kailanman naglaro para sa Growling Tigers.

Huli niyang ginabayan ang Blackwater sa 2019 PBA season.

Comments are closed.