CHED PINAGHIHINAY-HINAY SA MANDATORY DRUG TESTING

drug testing

NANAWAGAN  ang isang Catholic bishop sa Commission on Higher Education (CHED)  na suriing mabuti ang bawat polisiyang ipatutupad nila, kasunod na rin ng plano nang pagpapatupad ng mandatory random drug testing sa mga estudyante sa kolehiyo sa susunod na taon.

Ayon kay San Jose Nueva Ecija Bishop Ro­berto Mallari, na siya ring namumuno sa Episcopal Commission  on Catechesis and Catholic Education ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), bago ipatupad ang mandatory drug testing ay mahalagang konsultahin muna  ang mga magulang ng mga kabataan dahil gampanin nito ang paggabay sa kanilang mga anak partikular sa usapin ng ilegal na droga.

“Sa mga public officials po especially those who are in CHED kung puwede po sana pag-aralang mabuti itong policy na gusto nating ipatupad,” pahayag ng obispo, sa panayam ng church-run Radio Veritas. “This is just not a responsibility of the schools [but] this is first and foremost responsibility of the parents.”

Nagpahayag din ng agam-agam si Mallari sa ninanais ng CHED sapagkat walang kongkretong programa ang pamahalaan kaugnay sa magiging resulta ng drug testing sa mga kabataan.

Ayon sa Obispo, maaring malagay sa pa­nganib ng buhay ng estudyante na magpopositibo sa droga.

Batay sa kautusan ng CHED, sasailalim sa mandatory drug test ang mga estudyante sa mga unibersidad, kolehiyo at iba pang matataas na ins­titusyong pang-edukas­yon na sisimulan sa susunod na taon.

Paliwanag ni CHED Chairperson Prospero De Vera, ang hakbang ng ahensiya ay upang mapangalagaan ang kalusugan ng kabataan at maagapan na malulong sa masamang bisyo tulad ng paggamit ng ipinagbabawal na gamot.

Sa kautusan na gagawin ang konsultasyon sa pagitan ng mga magulang at mga estudyante bago tuluyang ipatupad.

Nangangamba ang ilang grupo ng mga estudyante sa hakbang ng CHED lalo na sa magi­ging resulta ng drug test subalit tiniyak ng ahensiya na hindi isasapubliko ang resulta at hindi rin ito gagamitin laban sa estudyanteng magpopositibo sa halip ay upang matukoy lamang ang mga estudyanteng nangangaila­ngan ng tulong medikal dahil sa epekto ng ilegal na droga.

Nais ng mga namamahala sa drug rehab center na tunguhin ang bawat komunidad partikular ang mga paaralan upang palaganapin ang pagbibigay kaalaman sa masamang epekto ng ipinagbabawal na gamot sa buhay ng bawat indibidwal. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.