CHIEF OF POLICE, 8 TAUHAN SINIBAK SA ILLEGAL DETENTION NG GINANG NA ‘DRUG SUSPECT’

NCRPO

MUNTINLUPA CITY – TANGGAL  sa puwesto ang hepe ng Muntinlupa City Police at walo pang tauhan nito matapos dukutin at hingan umano ng malaking pera ang isang ina na inakusahan sa kasong droga kamakailan sa lungsod na ito.

Kahapon ay inatasan ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director Chief Supt. Guillermo Eleazar si Southern Police District (SPD) Director Chief Supt. Tomas Apolinario Jr. na tanggalin na sa puwesto si Senior Supt. Dionisio Bartlome, hepe ng Muntinlupa City Police at ang walo pang tauhan nito na nakatalaga sa Special Drug Enforcement Unit (SDEU) na sina SPO1 Psylo Joe Jimenez, P03 Romeo Par, P02 Farvy Dela Cruz, PO1 Jon-Jon Averion, SPO1, Edgardo Zervoulakos, PO3 Charlie Miranda, P03 Roderick Salvador at ang kanilang hepe na si Senior Inspector Mark Kevin Pesigan

Ayon kay Eleazar, nagsagawa sila ng entrapment operation, ang mga tauhan ng Region Special Operation Unit (RSOU) ng NCRPO sa mismong tanggapan ng Muntinlupa City Police kama­kalawa ng hapon laban sa mga nasabing tauhan ng SDEU.

Base sa isinumiteng report ni NCRPO Director Eleazar, pinasok umano ng mga tauhan ng SDEU ang isang bahay sa Buendia St. Tunasan nang nasabing lungsod na pag-aari ng isang Glaiza Iglesia, 33-anyos at  inakusahan itong nagtatago ng ilegal na droga sa kanilang bahay.

Binitbit ng mga pulis si Iglesia at ang anak nitong pitong taong gulang na lalaki at ikinulong sa ikaapat na palapag ng police station noong Hulyo 12 ng alas-11:00 ng gabi.

Hiningan ng mga pulis ang ginang na si Iglesia ng halagang P400,000 kapalit ng kalayaan nilang mag-ina.

Dito na tinawagan ni Glaiza ang kanyang live-in partner na si Abner Bumatay, 35-anyos, para maghanap ng pera kapalit ng  kalayaan ng kanyang mag-ina.

Dahil sa laki nang hinihingi ng mga pulis nagkaroon ng tawaran na bumaba sa P200,000 subalit wala pa rin maibigay nang ganoon kalaking halaga ang pamilya ng biktima hanggang sa bumaba na sa halagang P40,000 pesos.

Kinagat na ng mga pulis ang halagang P40,000 at dito na nagsumbong si  Abner, ang live-in partner ni Iglesia sa mga tauhan ng RSOU at dito na bumuo ng team upang isagawa ang entrapment operation laban sa mga pulis.

Hulyo 13 ng alas-2:00 ng madaling araw nang ikasa ng mga awtoridad ang entrapment operation sa ikaapat na palapag ng nasabing police station laban sa mga tauhan ng SDEU.

Tanging sina SP01 Jimenez,  P03 Par, P02 Dela Cruz at P01 Averion ang naabutan ng mga tauhan nang RSOU na kung saan sila ang tumanggap ng marked money at dito na sila naaresto ng kanilang mga kabaro.

Habang ang apat pang pulis kabilang ang kanilang hepe ay nasa loob ng isang opisina na kung saan itinuturo at sinasabing kasama rin sila sa pangingikil kay Iglesia.

Tumanggi naman na magbigay ng pahayag si Bartolome at maging ang kanyang mga  tauhan sa nasabing akusasyon sa kanila.

Dahil dito sasampahan ng kasong kidnapping at robbery extortion ang walong tauhan ng SDEU.

Ayon kay Eleazar na walang kadala-dala ang mga pulis sa ganitong gawain at aniya kapag ang isang pulis ay nagkasala ito ay dapat kasuhan at tanggalin sa serbisyo.  ROSE LARA