(Chinese, 5 pa nasakote) P2.72-B SHABU NASAMSAM

ILOCOS REGION- UMAABOT sa 400 kilong shabu na nagkakahalaga ng P2.72 bilyon ang nasamsam ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa magkasunod na anti-drug operation sa Pangasinan at La Union kamakalawa ng umaga.

Ayon kay PDEA Public Information Office Director Derrick Carreon, ilang linggong surveillance at pagpaplano sa galaw ng mga bigtime drug syndicate ay naglatag ng anti illegal drug operation ang PDEA Intelligence Service, PDEA RO 1, PDEA NCR, katuwang ang Armed Forces of the Philippine (AFP) Task Force NOAH, AFP Team Navy, Bureau of Customs, at Philippine National Police.

Isinagawa ang buy-bust operation sa Turquoise St. Sunshine Village, bayan ng Pozorrubio, Pangasinan kung saan nasakote ang mga suspek na sina Ke Wujia na gumamit ng alyas James Dagale Galopo, 49-anyos, Chinese national ng San Vicente Sur, Agoo, La Union; Johnbert Yagong, 22-anyos ng San Agustin Norte, Agoo, La Union; Jenson Rey Yago, 29-anyos ng Brgy. Codcod, San Carlos City, Negros Occidental at Ritchell Repuesto, 28-anyos ng San Carlos City, Negros Occidental.

Nasamsam sa mga suspek ang 360 kilo ng shabu na may street value na P2.448 bilyon at kinumpiska rin ang 3 cellular phone, mga IDs at iba’t ibang dokumentong pinansyal.

Samantala, sa follow-up operation ng PDEA sa inilatag ang buy-bust operation sa Ilang ilang St. Brgy. Poro, San Fernando, La Union nasakote naman ang dalawang suspek na sina Romel Leyese ng Bagong

Silangan, Quezon City at John Paul T. Repuesto, 18-anyos, ng San Carlos, Negros Occidental.

Nasamsam ang 40 kilo ng shabu mula kina Leyese at Repuesto kabilang ang cellular phones, iba’t ibang identification card, at financial documents.

Isinailalim na sa tactical interrogation at drug test ang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Sec 5 at 11, Art. II ng RA 9165. VERLIN RUIZ/ MHAR BASCO