PARAÑAQUE CITY – DAHIL sa pagkabigong mabayaran ang serbisyo at mga nakonsumong pagkain sa isang spa ay sa kulungan ang bagsak ng isang Chinese national kamakalawa ng gabi.
Bunsod ng reklamo na natanggap ng Parañaque City police ay nadakip ang suspek na si Xie Bi, 35, pansamantalang nanunuluyan sa C.O.D. Mania, Barangay Tambo.
Base sa ulat ni Parañaque City police Colonel Rogelio Rosales, nagtungo dakong-alas 8:00 ng gabi ang suspek sa Golden Age spa na matatagpuan sa Barangay Tambo, ng naturang lungsod, kung saan ito nag-steam bath, nagpamasahe at gumamit ng pang-ehersisyo na iniaalok ng naturang establisimiyento.
Ayon kay Keno Acapulco na tagapamahala ng nasabing spa, ibinigay nila ang lahat ng magandang serbisyo sa suspek dahil una sa lahat ay isa itong dayuhan na sa kanyang tingin ay may kakayahang magbayad ngunit matapos nilang maibigay ang lahat ng serbisyo sa suspek at nang iniabot ang kabuuang babayaran nito na umaabot sa halagang P6,101 ay tumanggi na itong bayaran.
Sa hindi pagkakaintindihan ni Acapulco at ng suspek ay napilitan na ang una na humingi ng tulong sa Parañaque City police na nagresulta sa pagkakadakip ni Xie Bi.
Nahaharap sa kasong estafa ang suspek na kasalukuyang nakapiit sa Parañaque City police detention facility. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.