NASA 300 businessmen mula sa China at Filipinas ang tutuklas ng posibleng investments sa dalawang bansa sa 2-day Boao Forum for Asia (BFA) sa Manila.
Ang kaganapan sa Lunes at Martes na pangungunahan ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ay naglalayong pagsama-samahin ang ilan sa business leaders sa bansa at kanilang Chinese counterparts.
Ayon kay Arroyo, ang event na may temang “Concerted Action for Common Development in the New Era” ay magsusulong din ng mas malapit na ugnayan at lilikha ng mas magandang samahan sa pagitan ng Filipinas at ng China.
Si Arroyo, na siyang humiling sa BFA na idaos ang kumperensiya sa Manila, ay miyembro ng Board ng BFA.
Ang kumperensiya ay inaasahang dadaluhan ng may 300 participants na kinabibilangan ng 100 business leaders mula sa China, 100 business leaders mula sa Filipinas at 100 executives mula sa Chinese enterprises sa bansa.
Inaasahang dadalo rin sa forum na idaraos sa Shangri-La sa BGC, Taguig City ang ilang senior officials ng Philippine government at business chambers, gayundin ang ilang Chinese officIals.
Magsisilbi namang keynote speaker sa event si Pangulong Rodrigo Duterte.
Layunin ng forum na matulungan ang mga bumibisitang Chinese entrepreneurs na higit na maunawaan ang business environment at mga kaugnay na polisiya ng Filipinas, maipakilala ang BFA sa Philippine government at business community at maipatupad ang mahalagang consensus na napagkasun-duan ng top leaders ng dalawang bansa.
Ang BFA at ang Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc. ((FFCCII) ang co-sponsors sa kumperensiya, kasama ang Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), Philippine Exporters Confederation, Inc. (PHILEXPORT) at ang Chinese Embassy sa Filipinas bilang supporting partners.
Ang BFA, kadalasang tinutukoy na Davos of Asia, ay naging high-end platform para sa diyalogo ng mga lider ng national governments, industrial at business circles, at academic circles ng mga bansa sa Asia at iba pang kontinente hinggil sa mahahalagang isyu sa Asia at maging sa buong mundo.
Nauna rito ay sinabi ni Arroyo na ang China ay isang partner at hindi isang banta sa Filipinas sa gitna ng usapin sa pinag-aagawang mga isla sa West Philippines Sea.
Ayon kay Arroyo, sa pagtagal ng panahon ay maraming beses nang napatunayan ng China sa Filipinas na mali ang mga negatibong iniisip sa kanila sa ilalim ng pamumuno ni Pres. Xi Jinping.
Aniya, Trade Undersecretary pa lang siya noong 1980 nang simulang buksan ng China ang ekonomiya para sa pag-unlad at global trade setting, at naging katuwang na ng Filipinas sa development ang China. JOVEE MARIE N. DELA CRUZ
Comments are closed.