CHOOKS-TO-GO/MPBL LULUSOB SA CANADA

MPBL

PANGUNGUNAHAN ng Zamboanga-Family Brand Sardines at ng Imus-Luxxe Slim ang 2019-20 Chooks-to-Go MPBL Lakan Season Canada Invasion, kasama ang dalawang all-star team selection ni Sen. Manny Pacquiao at ang iba’t ibang local Canadian teams.

Sa Biyernes, Disyembre 27 (Dis. 28 sa Manila), sasagupain ng Family Brand Sardines-backed squad ang Luxxe Slim-backed Bandera sa Sev-en Chiefs Sportsplex sa Calgary.

Target ng Zamboanga na maipagpatuloy ang pag-angat sa South division. Sumasakay sa three-game winning streak, ang Zamboanga ay kasalukuyang se­venth seed na may 15-10 kartada.

Samantala, pagbibidahan nina Jayjay Helterbrand at actor Gerald Anderson ang also-ran Imus, na sisikaping magsilbing spoiler sa pagtatangka ng kanilang katunggali na pumasok sa playoffs na matikas.

Subalit ang Bandera ay sina­wing-palad nang huli silang maglaro sa labas ng bansa sa Dubai noong nakaraang Setyembre nang yumuko sa Batangas Athletics, 85-86.

Mapapalaban naman ang first All-Star team ni Pacquiao sa Calgary Team 1 sa curtain-raiser,  habang tatapusin ng All-Star team 2 ang araw sa pagharap sa second squad ng Calgary.

Ang all-star teams ng liga ay tinatampukan nina Gab Banal ng Bacoor, Mark Yee ng Davao ­Occidental, Manila’s Aris Dionisio at Chris Bitoon, Valenzuela’s Paulo Hubalde at Val Acuna, Chris La­lata ng Bicol, Pampanga’s Michael Juico, Jeff Viernes at Jhaymo Eguilos ng Batangas; Imus’ Anderson; at Sarangani City’s Spencer Eman.

Sa susunod na araw, ang MPBL ay nasa Edmonton EXPO Centre, tampok ang Imus, Zamboanga at All-Star team ni Pacquiao, na mapapalaban sa tatlong Edmonton local teams.

Ito ang ikalawang international event ng MPBL ngayong season, ang una ay ang Dubai Invasion noong nakaraang Setyembre na tinampukan ng Imus, Batangas-Tanduay at Davao Occidental-Cocolife.

Comments are closed.