MAYNILA – MASAKLAP ang Pasko ng pamilya ng tatlong napatay na tauhan sa naganap na pamamaril sa party ng mga security guards sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Port Area.
Sa huling update ng Manila Police District (MPD) – Homicide Section, namatay na rin ang biktimang si Eric Pantastico, nasa hustong gulang, Security Manager ng Catalina Security Agency.
Si Fantastico ay isinugod sa Gat Andres Bonifacio Hospital matapos magtamo ng tama ng bala sa tagiliran ngunit binawian din ng buhay.
Unang binawian ng buhay sina Mark Jason Dela Cruz, 36, may-asawa, Security Officer; at Ruben Roces, 63, may-asawa, Security Officer-In-Charge ng DPWH.
Ayon sa suspek na si Wilfredo Gamayon, 43, may-asawa, security guard, matinding pambu-bully aniya sa kanya ni Dela Cruz ang nag-udyok sa kanya na barilin ang biktima.
Gayunman, hindi aniya nito sinasadya na may madamay sa pangyayari.
Nabatid na lasing na at patapos na ang party ng mga sekyu sa compound ng DPWH nang mapikon ang suspek sa pambu-bully ni Dela Cruz kaya kinuha ang kanilang service firearm na calibre.9mm pistol.
Bago kalibitin ang katilyo, sumigaw pa umano ng “Merry Christmas” ang suspek sa mga biktima bago mamaril.
Sa kanyang pagtakas, kinuyog naman ng taumbayan ang suspek na nagtamo ng gasgas at pasa sa mukha.
Mahaharap sa kasong 3 counts ng murder at frustrated murder ang suspek na nakatakdang isalang sa Inquest Proceedings sa Manila Prosecutors Office. PAUL ROLDAN
Comments are closed.