NAKAHANDA na ang lahat para sa pagdaraos ng Sharks International 9-Ball Open sa July 24-29 sa Sharks Arena sa Tomas Morato, Quezon City.
Umaasa ang mga organizer, sa pangunguna ni Hadley Mariano, na ang $100,000 tournament ay muling magbubukas ng pintuan para sa mas malalaking events na idaraos sa bansa.
“This is our first international tournament after so many years,” pahayag ni Mariano sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum noong Martes sa Rizal Memorial Sports Complex.
“And this is not a one-time deal. Sana maipasok natin ulit ang mga international tournaments. We’re looking at the Presidential Cup. Nasa planning stage na,” dagdag pa niya.
May kabuuang 128 players, kabilang ang 64 foreigners, ang lalahok sa event na gagamit ng Matchroom format na double-round elims patungo sa 64-player knockout stage at sa finals.
Ang mananalo ay mag-uuwi ng $30,000, habang ang runner-up ay magbubulsa ng $15,000.
Ang Philippine contingent ay pangungunahan nina veterans Django Bustamante, Carlo Biado, Dennis Orcollo at newly-crowned World Cup of Pool champions Johann Chua at James Aranas.
Sina Chua, isang SEA Games champion, at Aranas, na umaasang mapapabilang sa national team, ay sinamahan si Mariano sa forum. Kumpiyansa sina Chua at Aranas na mangingibabaw ang Filipino players sa Sharks International.
“Naniniwala naman ako na sa Pinoy mapupunta to,” ani Chua.