CIDG TUTUTUKAN ANG KASO NG MGA NAWAWALANG SABUNGERO

SINISIGURO ng pamunuan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) na hindi nila lulubayan ang kaso ng mga nawawalang nawawalang sabungero.

Ito ay makaraang matukoy nila ang dalawang suspek na hinihinalang sangkot sa pagkawala ng mga sabungero na nagbigay daan upang pormal ng dumulog sa Department of Justice para maghain ng reklamo ang pamilya ng nawawalang sabungero na nakuhanan ng video habang bitbit ng dalawang lalaki.

Sa imbestigasyon, pinangalanan umano ng isang testigo ang isa sa dalawang lalaki nakuhanan ng secret video habang naglalakad bitbit ang isang nakaposas na lalaki na umanoy kabilang sa mga nawawalang sabungero.

Ayon kay CIDG Director BGen. Ronald Lee, isa sa kanilang prayoridad ang kontrobersyal na kaso ng mga nawawalang sabungero kaya puspusan ang paghahanap nila ng mga karagdagang ebidensiya at mga testigo na makakatulong para maresolba ang kaso.

Kamakalawa, inilabas ng CIDG ang computerized facial composite sketch ng 2 suspek sa “secret cellphone video” na sangkot sa pagdukot sa isa mga nawawalang sabungero.

Ayon kay Lee, isang breakthrough ito sa CIDG dahil malaking tulong ito para matukoy ang utak at mga taong nasa likod ng pagdukot ng mga sabungero.

Kaugnay nito, pupulungin ng DOJ ang PNP-CIDG at National Bureau of Investigation (NBI) ang mga kamag-anak ng mga nawawalang sabungero upang i-update sila hinggil sa ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad.

Una nang sinabi ng PNP-CIDG na inihahanda na nila ang kasong kidnapping laban sa 2 suspek na nakita sa “secret cellphone video” na sangkot sa pagdukot sa isang sabungero sa Laguna.

Nabatid kay PNP-CIDG Spokesperson Maj. Mae Ann Cunanan, isasampa nila ang naturang kaso laban sa isang alyas Dondon at isa pang lalake na nangangalap pa ng mga karagdagang ebidensya laban sa 2 suspek para maging matibay ang isasampang kaso.

Dahil sa video, natukoy ang pagkakakilanlan ng biktima na positibong kinilala ng kanyang asawa at kapatid na si Michael Bautista na nawala sa isang sabungan sa Santa Cruz, Laguna noong April 28, 2021. VERLIN RUIZ