Ang pagbaha sa Metro Manila noong Hulyo 24 dulot ng bagyong Carina (Gaemi) ay maaaring maiugnay sa ilang mga kadahilanan. Bukod sa matinding pag-ulan at matagal na pagbuhos, ang drainage system sa maraming lugar ay barado o kaya naman ay hindi sapat.
Ang pagbabago ng klima at pagkasira ng kapaligiran ay tiyak na bahagi rin ng mga sanhi.
Isa pang malaking salik ay ang hindi wastong pagtatapon ng basura na nagiging dahilan ng pagbara ng mga kanal at daluyan ng tubig.
Sa aking pananaw, kung hindi natin babaguhin ang ating mga gawi at mga habits, lalo lamang lalala ang ating sitwasyon.
Matagal nang sinasabi ng mga climate scientists na magkakaroon ng mas matindi at madalas na mga bagyo, mas malakas na pag-ulan, at mas mataas na panganib ng pagbaha dulot nga ng climate change. Pinapalala pa ito ng pagtaas ng tubig sa dagat, lalo na sa mga mabababang lugar at mga baybayin. Alam na nating lahat ang mga ito.
Nakakapagtaka kung bakit tayo—mula sa pamahalaan hanggang sa mga pamilya at indibidwal—ay parang nagulat pa, at kung bakit hindi natin ginagawa ang ating makakaya upang mabawasan ang matinding epekto ng mga pangyayaring ganito na may kaugnayan sa klima at panahon.
Ang mga pampubliko at pribadong sektor ay may mahalagang papel sa usaping ito.
Kung polisiya at pamamahala naman ang pag-uusapan, kailangan nating magpatupad ng mas epektibong pamamaraan sa pamamahala ng tubig, yaong isinasaalang-alang ang kapakanan ng iba’t ibang stakeholder at sektor. Ang mahigpit na pagpapatupad ng mga regulasyong pangkalikasan ay kinakailangan din upang matiyak ang pagsunod sa mga ito.
Mas madaling sabihin kaysa gawin ang mga bagay na ito, at nangangailangan ng mas malakas na political will upang maipatupad ang mga nabanggit.
(Itutuloy…)