CLINICAL TRIALS NG SINOVAC APRUB NA SA FDA

Eric Domingo

INAPRUBAHAN na ng pamunuan ng Food and Drug Administration (FDA) ang aplikasyon ng Sinovac para magsagawa ng clinical trials para sa kanilang bakuna kontra COVID-19  sa Filipinas.

Sa Laging Handa briefing, sinabi ni FDA Director General Eric Domingo, na ang lahat ng aplikasyon para magsagawa ng clinical trials sa bansa ay naaprubahan na.

Mababatid na bago pa ito, noong October 2020, pinaboran na ng vaccine expert panel (VEP) ng Department of Science and Technology (DOST) ang pagsasagaw ng clinical trials ng Sinovac.

Samantala, tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang korupsiyon sa pagbili ng bakuna na gagamitin sa massive immunization program ng pamahalaan.

“The government transactions to purchase coronavirus disease (COVID-19) vaccines are free from corruption,” ayon sa Pangulong Duterte.

Sa kaniyang public address kaugnay sa pagbili ng bakuna laban sa COVID-19, nanindigan ang Pangulo na malinis at maayos ang record ni vaccine czar Carlito Galvez Jr., at ipinaliwanag ang negosasyon sa pharmaceutical companies ng kalihim ay walang sangkot na pera dahil “purely paperwork”.

Ang tanging trabaho lang aniya ni Galvez ay pumirma ng kontra at wala aniyang kinalaman sa mga bayaran.

“All that Galvez can do is just to come to an agreement as representative or agent of the Republic of the Philippines. He has no say sa bayaran kung saan because it is purely papel,” paliwanag ng Pangulong Duterte.

Sinabi pa ng Pangulo na sa bangko ang bayaran at walang daraan na pera sa kalihim.

“Kunin ng manufacturer ‘yan doon sa mga bangko kasi doon tayo naghiram at diretso ang bayad galing bangko to the manufacturer. Hindi na tayo makialam diyan. And the pricing and the paper will not be final until it is reviewed by the Secretary of Finance kasi siya ‘yung magbayad pati ako,” dagdag ng Punong Ehekutibo.

Sinopla rin ng Pangulo ang alegasyon na kinokontrol ang presyo ng COVID-19 vaccine, dahil ang manufacturers lamang ang may karapatang magtakda ng presyo batay sa batas ng supply and demand.

Sinabi naman ni Galvez, na ang financial institutions ang bahala mag- procure ng mga bakuna upang matiyak ang konsepto ng transparency at anti-corruption regulation para matiyak na walang mag-iisip na magkakaroon ng iregularidad. EVELYN QUIROZ

Comments are closed.