Jayzl Villafania Nebre
DATING rice mill ang Clotilde Events Center na matatagpuan sa Zalvadea St., Barangay 6, Poblacion, Nasugbu, Batangas. Simpleng lugar, ngunit kaaya-aya, at higit sa lahat, itinayo ito para sa isang minamahal na ina – si Mrs. Clotilde Tampis Demafelix.
Simpleng tao lamang si Aling Tindeng. Typical housewife na nagluluto, naglalaba, naglilinis ng bahay at nag-aalaga ng siyam niyang anak noong kanyang kabataan. Siyam na magaganda at matatalinong anak na ginabayan niya sa kanilang paglaki.
Sa paghahabol sa anak na lalaki, pitong sunud-sunod na babae muna ang kanyang nagging anak bago pa nabiyayaan ng dalawang bunsong lalaki na sina Delio at Deo. Hinintay may ng matagal ang dalawang bunsong lalaki, pantay-pantay pa rin ang pagtingin niya sa lahat ng kanyang mga anak.
Sa interview namin kay Marcelita Demafelix Apasan, isa sa mga anak ni Aling Tindeng, sinabi niyang “Grade six lang ang natapos ng nanay ko, pero palagay ko, naituro niya sa amin ang hindi naituro ng mga inang may mas mataas na pinag-aralan. Inuuna niya kami palagi.
Napakamapagmahal niya at handa niyang isakripisyo ang lahat para sa kanyang mga anak.”
Napakamapagsilbi rin umano ng kanilang ina lalo na sa kanilang ama. Siya ang tipo ng asawang idinudulot ang kape, iniaabot ang tsinelas, at inihahanda ang lahat ng pangangailangan ng asawa at mga anak mula sa underwear hanggang sa damit at sapatos. Dahil nakikita ng mga anak kung paano pagsilbihan ng kanilang ina ang kanilang ama, ito rin ang natutuhan nilang pagtrato sa kanilang mga asawa. Ang mga babae, kahit lahat sila ay mga professional at nagtatrabaho rin, nagagawa pa nilang asikasuhin ang kanilang mga anak – katulad ng pag-aasikaso sa kanila ni Aling Tindeng. Like mother, like daughters talaga.
Sa edad ngayong 87 ni Aling Tindeng, nagpapalipat-lipat siya sa bahay ng kanyang mga anak, na ayaw sana niyang mangyari dahil may sarili naman daw siyang bahay. Ayaw kasi niyang maging pabigat sa kayang mga anak.”
“Hindi demanding si Nanay,” ani Lita. “Kahit may nararamdaman, hindi nagrereklamo. Nagtitiis lang. Sa bahay ko o sa bahay ni Fanny siya naglalagi dahil bago ang bahay namin. Gusto sana niya sa bahay niya, pero kahit ano pang gawing linis doon, may alikabok pa rin. Bawal sa kanya lalo na sa edad nya ngayon.”
Speaking of Clotilde Events Center, may nadiskubre ang mga Demafelix nang ikuha nila ng passport ang kanilang ina. Buong buhay nila, ang akala nila ay Matilde ang pangalan ni Aling Tindeng. Matilde ang nakasulat sa kanyang marriage certificate at sa mga birth certificates ng lahat niyang anak, ngunit ang nakarehistro pala niyang pangalan ay Clotilde. Kaya ang nangyari, ang dapat sana ay Matilde Events Cernter ay napalitan ng Clotilde Events Center.
Parang swerte naman ang pangalang Clotilde dahil walang linggong hindi sila busy.
Itinayo ang CEC para kay Aling Tindeng upang ipaalala sa lahat niyang mga anak kung gaano siya kabuting ina. At para na rin ipaalam sa iba na si Clotilde ay nakapagpalaki ng siyam na mabubuting anak at nakapag-contribute sa Pilipinas ng mga maipagmamalaking mamamayan. Happy Mother’s Day po. JVN