SURIGAO DEL NORTE – MULI na namang nakatagpo ng cocaine sa Philippine waters at sa pagkakataong ito ay sa Tandag City naman kung saan dalawang mangingisda ang nakakita partikular sa Purok Santan, Barangay Bungtod, Tandag City, alas- 6:30 ng umaga, kahapon.
Ayon kay PNP Caraga regional police director Chief Supt. Gilbert Cruz, ang droga ay nakitang palutang-lutang na nakabalot sa itim na plastic.
Hinala ng heneral kasama ang cocaine ng sa mga nauna nang narekober sa Dinagat Island at Siargao.
Tinatayang aabot sa P231-M ang halaga ng narekober na 34 bloke ng cocaine.
Pinapurihan naman ng PNP ang dalawang mangingisda na nakilalang sina Ronnie Navales at Ryan Apelo.
Samantala, ayon naman kay PNP Spokesperson SSupt. Bernard Banac, ang pagkakadiskubre sa panibagong bloke ng cocaine ay bunsod sa information drive na pinangunahan ni Cruz.
Pinaniniwalaan din ang panibagong pagkakatagpo ng cocaine ay matagal ng nasa dagat dahil may lumot na.
Magugunitang noong isang linggo ay sunod-sunod na natagpuan ang mga cocaine sa Camarines Norte, Quezon, Siargao at Dinagat Island.
P8.1-M SHABU KUMPISKADO
Aabot naman sa P8.1 million ang halaga ng shabu na nasabat ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA-9) sa pakikipag-ugnayan sa mga tauhan ng Zamboanga City Police Office (ZCPO) sa isang negosyante.
Isang buy bust operation ang ikinasa sa Uranus Street, Dulaca Drive, Barangay Tumaga, Zamboanga City at naaresto si Sofia Ibno, 32, habang nakatakas naman ang isang Medson Kalim.
Nakuha sa posisyon ni Ibno ang nasa 1.3 kilos ng hinihinalang shabu.
Inamin naman ni Ibno na ito ang unang beses na nagbenta siya ng ilegal na droga.
Dating residente si Ibno ng kalapit na bayan ng Siocon, Zamboanga Del Norte.
Hindi rin pamilyar ang mukha ni Ibno sa mga lokal na opisyal ng Zamboanga City.
Ayon pa sa PDEA ilang mga drug suspek na nahuli sa magkakasunod na operasyon kamakailan ay galing pa sa ibang lugar at dumarayo lamang sa siyudad.
Kasalukuyang inaalam pa ang pinagmulan ng nasabing droga. VERLIN RUIZ