QUEZON – MULING nakarekober ng hinihilang cocaine at sa pagkakataong ito ay sa dalampasigan ng Brgy. Villamanzano Norte Perez, noong Martes ng hapon.
Sa ulat ng Quezon Police Provincial Office, isang Raymond Divina, 16-anyos, estudyante ng Perez National High School, Perez, Quezon ang nakakita sa isang pack ng cocaine.
Naglalakad ang estudyante sa dalampasigan habang nangunguha ng shells nang makita ang pakete ng cocaine.
Kinuha ito ng estudyante, tiningnan at inamoy at naalala ang napapanood sa telebisyon na may mga cocaine na napapadpad sa mga dalampasigan.
Agad niya itong ipinagbigay alam sa kanilang barangay chairman na nakipag-ugnayan naman sa Perez Municipal Police Station.
Tiniyak ng pulisya na kanilang ipababatid agad kung ano ang resulta ng pagsusuri ng Provincial Laboratory sa Lucena City sa nabingwit na kontrabando.
Magugunitang noong isang linggo ay sunod-sunod ang pagkakatagpo ng Cocaine ng mangingisda sa Vinzon, Camarines Norte, gayundin sa Dinagat Island na sinundan muli sa Paracale, Camarines Norte at ngayon ay sa nasabing lalawigan. REA SARMIENTO
Comments are closed.