CAMARINES NORTE – MAKARAAN ang pagkatagpo ng mangingisda sa may 88 bricks ng cocaine sa baybayin ng Dinagat Island, muli na namang nakatagpo nito na aabot sa P5 milyong halaga sa Paracale.
Batay sa ulat ng Police Regional Office 5, nakilala ang nagsuko ng naturang kontrabando na si Norly Laudiana na naglalakad lamang sa dalampasigan ng Brgy. Bagumbayan sa naturang bayan.
Nakita umano ni Laudiana ang bloke na nakabalot ng packaging tape na may nakasulat na katagang Lexus kung saan tumambad sa kaniya ang kulay puting pulbos nang buksan niya iyon.
Agad dinala sa Paracale Municipal Police Station ang nasabing bloke at agad itong dinala naman sa Provincial Crime Laboratory at nakumpirmang Cocaine nga ang laman nito.
Pinapurihan naman ni PNP Spokesman SSupt. Bernard Banac ang pagmamalasakit ng ilang indibidwal na nagtuturo sa mga natatagpuan nilang mga kontrabando.
Dahil dito, patuloy ang panawagan ng pulisya sa mga residente na nasa mga dalampasigan at lalo’t higit sa mga mangingisda na bantayan ang mga baybayin na ginagamit ng mga sindikato ng droga para itapon ang kanilang mga kontrabando. AIMEE ANOC
Comments are closed.