SUMAKABILANG-BUHAY na si Rolando ‘Ka Lando’ Luzong noong Linggo, September 11.
Si Luzong, itinuturing na “Dean” ng cockfighting media habang pinangangasiwaan ang hindi mabilang na international at local derby promotions magmula noong mid-80s, ay magdiriwang sana ng kanyang ika-64 kaarawan sa susunod na buwan, nang igupo ng colon cancer.
Sinabi ni dating Games and Amusements Board (GAB) Chairman Abraham “Baham”‘Mitra na ang pagkamatay ni Luzong ay malaking kawalan sa Philippine cockfighting.
“He (Luzong) cared for Philippine cockfighting like no other. He will be missed,” ani Mitra, malapit na kaibigan ni Luzong.
Humihiling ang anak ni Luzong na si Bam Luzong- Camiñan ng dasal para sa kaluluwa ng kanyang ama.
Ang mga labi ni Luzong ay nakahimlay sa Loyola Memorial Park sa Marikina.
Nakatakda ang libing sa Linggo, Sept. 18, alas-2 ng hapon.