AMINADO ang Kapamilya Primetime King na si Coco Martin, na nagkausap sila ni Vice Ganda tungkol sa kanilang filmfest entries.
Katunayan, totoo raw na sinabi niya kay Vice na alagaan nito ang MMFF dahil teritoryo niya ito at happy na siya kung maging number 2.
“Honestly, wala kasi akong issue about du’n sa kung sino ang no.1, kung sino ang no.2. ‘Di ba, parang iisipin mo pa ba ‘yun sa dami ng ano. Basta sabi ko nga, siguro naman, dapat kinakabahan ako ngayon or alam mo ‘yun?” pahayag niya.
Kung siya raw ang tatanungin, okay lang sa kanya kahit anon’g number pa siya sa box office dahil ang mas importante ay proud siya sa kanyang ginawa lalo pa nga’t siya ang nagdirek, nagsulat at nag-produce nito.
“At alam kong hindi ako napahiya sa co-actors ko kasi, artista rin ako, eh. Alam ko pag pangit ang pelikulang ginawa ko, ang lungkot after. And then, hindi ka na nila gustong makatrabaho. Eh eto, proud ako kaya confident ako,” sey ni Coco.
Tungkol naman sa iba pang entries na kasali sa taunang Metro Manila Film Festival, wala raw siyang nararamdamang pressure dahil confident daw naman siya sa kanilang entry.
“Kasi, siyempre, ako nag-edit, ako nakakita ng buong materyal. Honestly, sobrang excited na excited ako. Everytime naman, eh. Everytime naman na gumagawa ako ng project o pelikula, ayoko kasing nadi-dissappoint ang mga tao, na parang lolokohin mo sila sa promo, tapos hindi ka proud after. Doon, makikita mo ang nerbyos,” aniya.
“Ako, honestly, sabi ko nga, hindi man kami siguro enough dahil wala kaming ka-co-prod na Star Cinema or Viva or anumang malalaking film outfit, proud ako kasi, ang hinihintay ko ay ‘yung after mapanood ‘to ng mga tao. Kasi, kumpiyansa ako sa proyekto, eh. Sa materyal namin. Kasi nu’ng ginagawa namin ang pelikula, ang iniisip namin ay ang manonood. Hindi para makipag-compete sa kahit anong pelikula,” dugtong niya.
“Honestly, masaya kami ang proud kami na halos lahat ngayon ng mga pelikula kalahok ngayon sa Metro Manila Film Festival ay lahat, magaganda. Kumbaga, parang ang ihahandog namin ngayon sa mga tao ay magagandang pelikula at alam namin sa sarili namin na isa po kami doon. Kaya sobra po kaming proud at hindi nape-pressure para sa Metro Manila Film Festival,” pagtatapos niya.
Sa kanyang MMFF entry na 3Pol Trobol: Huli Ka Balbon, first time niyang makakasama ang Comedy Queen na si Ai Ai delas Alas at Ultimate Star na si Jennylyn Mercado.
Dagdag pa ni Coco, three times the fun, kilig at action daw ang hatid nito kaya kaabang-abang ito.
Kalahok sa 45th Metro Manila Film Festival, kasama rin sa cast sina Sam Milby, Edu Manzano, Tirso Cruz III, Joey Marquez, Carmi Martin, Mitch Valdes, John Prats, Jojit Lorenzo, Mark Lapid, Bianca Manalo, PJ Endrinal, Super Tekla, Boobsie Wonderland, Marc Solis, Lester Llansang, John Medina, Donna Cariaga, Noong Ballinan, Joven Olvido, Sancho delas Alas, Bassilyo, Smugglaz, Happy, Soliman Cruz, Jhong Hilario, Ping Medina, Kim Molina, Pepe Herrera, Long Mejia, Lou Veloso, Marissa Delgado, Whitney Tyson, Bernard Palanca, Ali Khatibi, Paolo Paraiso, Ivana Alawi at may special participation si Yorme Isko Moreno.
Comments are closed.