CAVITE- ITINALAGA ang bagong Provincial Director ng Cavite Police Provincial Office na si Colonel Dwight E. Alegre sa seremonya na isinagawa sa Covered Court, Camp BGen Pantaleon Garcia, Cavite nito lamang Oktubre 28, 2024.
Pinangunahan ni Regional Director PRO 4A, Brigadier General Paul Kenneth T Lucas at sinaksihan ni Cavite Governor Athena Bryana Tolentino ang turnover ceremony kung saan nagsilbing Provincial Director ng CPPO si Colonel Eleuterio Ricardo Jr (outgoing PD) ng loob ng halos isang taon.
Nanguna rin sina Lucas at Tolentino sa paghandog ng parangal kay Col. Ricardo Jr. bilang pagkilala sa kanyang mga kontribusyon sa peace and order initiatives ng lalawigan.
Sa pahayag ng outgoing Provincial Director, sinabi nitong, “Sa bawat isang naririto, sa mga bumubuo ng kapulisan ng Cavite, maraming salamat sa inyong suporta, dedikasyon, at sipag. Kayo ang naging katuwang ko sa bawat hakbang, at ang ating pagkakaisa ay nagbigay daan upang maisakatuparan natin ang ating mga layunin. Hindi ko makakalimutan ang inyong sakripisyo sa araw-araw, ang pagkakaisa at pag-oorganisa ng lahat sa tuwing mayroong programa o bisita”.
Sa isang pormal na panunungkulan, kinuha ni Col. Alegre ang mga responsibilidad, “Makakaasa po kayo na ang PNP Cavite sa ilalim ng aking pamumuno ay mananatiling nakahandang maghatid ng maayos at epektibong serbisyo sa inyo. Magkaisa po tayo at magtulungan para sa katuparan ng ating iisang hangarin para sa ikabubuti ng ating mahal na lalawigan ng Cavite.”
Pinuri naman ni Tolentino ang magandang pamumuno ni Ricardo Jr. habang tinanggap ng buong suporta ang bagong talaga na si Alegre.
SID SAMANIEGO