COLLAB NG DEPED AT DOST PINAGTIBAY

PINAGTIBAY ng Department of Education (DepEd) at Department of Science and Techno­logy (DOST) ang kanilang pangako na magtulungan sa seremonya ng appointment ng mga bagong campus directors ng Pilipinas Science High School System (PSHSS) kamakalawa.

Binigyang-diin ni Education Secretary Sonny Angara at Science and Technology Secretary Renato Solidum Jr. ang kahalagahan ng pagtutulungan para isulong ang science education at linangin ang susunod na henerasyon ng mga scientist at innovator.

“Kami ay ganap na nakatuon sa pagtutulu­ngan.  One thing we discovered nandoon sa kanta ninyo yung ang siyensiya ang sandigan ng maunlad na bayan. That’s the bottomline here,” pahayag ni Secretary Angara, na tinutukoy ang DOST Hymn.

Binigyang diin ni Sec. Angara ang mga mandato ng DOST, dahil tinulungan niya ang ahensya na makakuha ng karagdagang badyet para sa mga pasilidad at operasyon nito. “Dati supporter niyo po ako sa Senado at nga­yon consider me one of your fans.  Maraming salamat and congratulations.  Inaasahan ang inspiradong pamumuno ng ating tatlong campus director sa ilalim ng ating dakilang Kalihim Rene,” aniya.

Samantala, sinabi ni Secretary Solidum na ang team-up sa DepEd ay isang makabuluhang hakbang sa pagpapalakas ng science, technology, at innovation foundation ng bansa.

“Masayang-masaya kami sa pagkakatalaga kay dating Senador, ngayon ay DepEd Secretary Sonny Angara, dahil naniniwala kami na ang tagumpay ng agham, teknolohiya, at inobasyon ay talagang nakasalalay sa ating sistema ng edukasyon simula sa ating kabataan,” ani Kalihim Solidum.

“Napag-usapan na natin kung paano tayo makikipagtulungan sa kanila at matulungan din sila sa pagtiyak na ang ating abot ay lalampas sa sistema ng Philippine Science High School,” dagdag niya.

Ipinagdiwang ng seremonya ang paghirang ng tatlong direktor ng kampus: Dr. Rod Allan A. De Lara (PSHS – Main Campus), Dr. Myrna B. Li­butaque (PSHS – Western Visayas Campus), at Dr. Mary Grace A. Navarro (PSHS –  Ilocos Region Campus).

Kinilala ng dalawang kalihim ang kanilang mahalagang papel sa paghubog ng mga kabataang isipan upang mag-ambag sa pag-unlad ng siyensya ng bansa.

Ang pagtitipon  na ginanap sa PSSHS Main Campus sa Quezon City, ay dinaluhan ng mga pa­ngunahing opisyal mula sa DepEd, DOST, at PSSHS.

Elma Morales